MARCOS NAIS PANAGUTIN SA HOARDING NG 20M KL BIGAS

KUNG may dapat panagutin sa pagho-hoard ng bigas sa Manila Port ay walang iba kundi si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Giit ito ng grupong Bantay Bigas at Amihan kaugnay ng 888 shipping containers sa Manila Port na naglalaman ng 20 milyong kilo ng bigas.

“Sa lahat ng ito, walang ibang dapat managot kundi si Marcos dahil sa promotor siya ng Rice Liberalization Law, Executive Order No. 62 at iba pa,” ani Cathy Estavillo, secretary general ng Amihan at spokesman ng Bantay Bigas.

Pinagbabantay rin ni Estavillo ang taumbayan dahil posibleng ibenta aniya sa mga Kadiwa Center ang bigas na ito na naluma na dahil sa tagal na pagkakatengga sa nasabing daungan.

“Kung hindi nabunyag ang issue ng hoarding o pagkatengga ng bigas sa Manila port, posibleng maibebenta pa itong lumang bigas o aging rice sa mamamayang Pilipino. Baka makalusot at maibenta pa sa KADIWA centers,” ani Estavillo.

Naniniwala rin ang grupo na ang mga imported rice na ito na hindi agad nailabas ang dahilan kung bakit bumaba ang presyo ng palay sa maraming lugar sa bansa ngayong panahon ng anihan.

Sinabi ni Estavillo na base sa kanilang monitoring, P13 kada kilo na lamang binibili ang mga bagong aning palay ng mga magsasaka ngayong Setyembre na malayo sa panawagang bilhin ito sa mahigit P20 kada kilo.

“Dapat labanan ang kutsabahan na ito dahil mayroon talagang kumikita dito at dehado ang mga magsasaka at mamamayan. Dapat magkaroon ng imbestigasyon kaugnay nito at parusahan ang hoarders at smugglers,” ayon pa kay Estavillo.

Hindi rin inaatras ng grupong ito ang kanilang panawagan na ibasura na ang Rice Liberalization Law at EO 62 kung saan binawasan ng 15% ang taripang binabayaran ng rice importers dahil pahirap anila ito sa mga magsasaka at consumers at tanging negosyante ang yumayaman. (BERNARD TAGUINOD)

62

Related posts

Leave a Comment