MARCOS, REMULLA ‘WORST CABINET MEMBERS’ – SURVEY

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

KUNG pagbabatayan ang sentimyento ng mga Pilipino, hindi kinagat ng publiko ang paandar ng tatlong prominenteng Kalihim na pirming laman ng balita sa dyaryo, radyo at telebisyon.

Batay sa pinakahuling survey na pinangasiwaan ng Publicus Asia, lagapak ang grado nina Secretary Crispin Remulla ng Department of Justice (DOJ) at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tumatayong Kalihim ng Department of Agriculture (DA).

Pasok din sa Top Three Worst Cabinet Members ng administrasyong Marcos si Secretary Jaime Bautista ng Department of Transportation (DOTr).

Ayon sa Publicus Asia, pinakamarami ang hindi kuntento kay Remulla na nakakuha lang ng 13% approval rating, habang nasa hindi kalayuang pwesto si Marcos na binigyan ng gradong 12% approval rating, na sinundan ni Bautista na meron lang 6%.

Sa isinagawang survey na nilahukan ng 1,500 respondents na direktang kinapanayam mula Marso 2 hanggang 6 ng kasalukuyang taon, lumalabas na ‘nahatak pababa’ ni Remulla ang Pangulo dahil sa ‘kapalpakan’ sa DOJ na may hawak ng mga kontrobersyal na kaso.

Kabilang sa mga naungkat kay Remulla ang pagkakadawit ng anak sa droga at ang kabi-kabilang karahasan tulad ng pagpatay sa batikang komentaristang si Percy Lapid, at Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Sa opinyon ng mga respondents, higit pa sa angkop ang inasal ni Remulla – isang abogado.

Matapos maganap ang malagim na pamamaslang kay Degamo noong Marso 4, agad na pinaratangan ni Remulla si Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves na utak sa likod ng insidenteng kumitil sa buhay ng gobernador at walong iba pa.

Kasunod ng nasabing pahayag, tinawag pang ‘wanted’ ni Remulla ang kongresista kahit wala pang kaso (sa panahong isinagawa ang survey) laban kay Teves – hudyat para umalma si Atty. Ferdinand Topacio (abogado ni Teves) sa di umano’y ‘trial by publicity’ na ginawa ng Kalihim ng abogado.

Sa mababang grado ni Marcos bilang Kalihim, isa sa sinisilip ng respondents ang kabiguan ng Pangulo sa mga binitawang pangako – P20 kada kilo ng bigas, sapat at abot-kayang pagkain para sa mga Pilipino at ang walang puknat na agri-smuggling kung saan nadawit pa ang bayaw niyang si Martin Araneta.

Paniwala naman ng mga respondents ng Publicus Asia, hindi kaya ni Bautista ang mabigat na hamong kalakip ng pagiging Kalihim ng DOTr sa usapin ng public transportation — kabilang ang isinusulong na PUV modernization program.

432

Related posts

Leave a Comment