Nagbitbit kay PBBM pero walang gustong umanib PARTIDO FEDERAL NILALANGAW

ANIMO’Y sakit na iniiwasan ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) dahil bukod sa hindi gumagalaw ang kanilang bilang sa Kongreso ay hindi rin nadagdagan maging ang kanilang governors.

Ang PFP ang partidong nagbitbit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong 2022 elections. Sa kabila nito, tila walang magic ang PFP dahil hindi naglipatan dito ang mga politiko sa ibang partido kahit mga kaalyado ng Pangulo.

Taliwas sa kaso ng Lakas-Christian Muslim Democrat (CMD) na muling nadagdagan ang bilang ng kanilang governors matapos manumpa si Albay Governor Edcel Greco Lagman kay Speaker at pangulo ng partido na si Martin Romualdez.

Si Lagman na nanalong vice governor ng Albay noong nakaraang eleksyon at tumakbo sa ilalim ng Aksyon Demokratiko ang pumalit kay dating Gov. Noel Rosal na nadiskwalipika.

Bago ito, nanumpa rin sa Lakas-CMD si Aklan Gov. Jose Enrique “Joen” Miraflores na unang tumakbo sa ilalim ng PDP-Laban noong nakaraang eleksyon.

Dahil dito, umaabot na sa siyam ang gobernador sa ilalim ng Lakas-CMD at posible pa itong madagdagan.

Sa PFP, nananatili sa isa ang gobernador na miyembro sa katauhan ng pangulo ng partido na si South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo Jr.

Sa obserbasyon ng ilang political analyst, mistulang iniiwasan ng mga politiko ang PFP hindi gaya sa PDP-Laban ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Pagkatapos ng 2016 elections kung saan nahalal na pangulo si Duterte, naglipatan ang mga nanalong governor sa PDP-Laban kaya maraming miyembro ang mga ito sa League of Provinces of the Philippines.

Sa ngayon ay si Tamayo ang pangulo ng LPP subalit dahil nag-iisa sa grupo ay maaari itong matanggal sakaling magkaroon ng rigodon. (BERNARD TAGUINOD)

45

Related posts

Leave a Comment