WALANG nakikitang pagbabago sa buhay ng mga manggagawang Pilipino lalo na sa pribadong sektor sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Deklarasyon ito ni dating Congressman Renato Magtubo ng Partido ng Manggagawa (PM) kaugnay ng P40 na dagdag sa minimum wage sa National Capital Region (NCR).
“The P40 increase in the NCR minimum wage ordered by the Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) mirrors the state of poverty workers endured exactly one year after and will continue to suffer under the Marcos Jr. administration,” ani Magtubo.
Ipinaliwanag ng dating mambabatas na P88 ang nawala sa halaga ng P570 na minimum wage sa NCR dahil sa hindi maawat na paglobo ng inflation subalit P40 lamang ang inaprubahan ng RTWPB o wala pa sa kalahati ang naibalik sa mga manggagawa.
Kung susumahin aniya, P516.51 lamang ang halaga ng sinasahod ng mga manggagawa sa Metro Manila kahit maging P610 na ang minimum wage.
“This wage growth, to say the least, neither can bring the poverty rate down to 9% by the end of his term nor lift the country up the upper middle-income status by next year as prophesied by his economic managers during his first State of the Nation Address (SONA),” ayon pa kay Magtubo.
Maging si House assistant minority leader Arlene Brosas ay dismayado sa pambabarat ng gobyernong Marcos sa mga manggagawa dahil kahit isang kilong bigas aniya ay hindi makakabili ang idinagdag na sahod.
“While the P40 wage hike is a result of workers’ lobbying efforts, it is disheartening to see that it can hardly buy a kilo of rice and is significantly below the living wage,” ani Brosas.
Patunay lamang aniya ito na hindi pinahahalagahan ni Marcos ang mga manggagawa na siyang gulugod ng mga negosyante kaya sila yumayaman.
Dahil dito, muling iginiit ng mambabatas na idaan na sa lehislatura ang pagdagdag sa sahod ng mga manggagawa, hindi lamang sa NCR kundi sa buong bansa. Ito’y dahil wala aniyang maaasahan sa mga regional wage board na pawang pabor sa gobyerno at mga negosyante.
Ang RTWPB ay binubuo ng kinatawan ng gobyerno, negosyante at manggagawa kaya sa botohan pa lamang ay dehado na ang mga obrero. (BERNARD TAGUINOD)
197