OCT. 31 SPECIAL NON-WORKING HOLIDAY

(CHRISTIAN DALE/RENE CRISOSTOMO)

INANUNSYO ng Malakanyang na tinintahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang proklamasyon na naglalayong ideklarang special non-working holiday ang Oktubre 31, 2022, isang araw bago ang Undas.

Ang katwiran ni OPS Officer-in-Charge (OIC) Undersecretary Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, layon ng nasabing proklamasyon na mabigyan ng mas maraming oras na kasama ang pamilya at i-promote ang local tourism.

Sa kabilang dako, nagtakda ang pamunuan ng Manila North at South Cemetery ng COVID-19 health protocol para sa Undas.

Ayon kay Manila South Cemetery OIC Manny Juan, inatasan ang publiko na magsuot ng face mask dahil walang social distancing sa pagpasok at paglabas ng sementeryo.

Pinapayagan pumasok sa sementeryo ang mga batang bakunado na may edad 12 pababa, habang ang senior citizen naman ay papayagan kahit hindi pa nababakunahan.

Bukas ang Manila North at South Cemetery mula alas-5 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon simula October 29 hanggang November 2.

Sa October 25 naman ang huling araw para sa paglilinis ng mga lapida sa sementeryo.

Samantala, ang lokal na pamahalaan ng Maynila at Manila Police District (MPD) ay nais naman na pawang bakunado na ang dadalaw sa mga sementeryo sa lungsod.

Dahil dito, pinayuhan nila ang mga dadalaw sa puntod ng mga kaanak na tiyaking dala ang kanilang vaccination card.

Nauna nang hinihimok ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga hindi pa bakuna at hindi pa nakakakumpleto ng bakuna na huwag nang magtungo sa Manila North at South Cemetery dahil siguradong magsisiksikan dito lalo na’t maluwag na ang restrictions kontra COVID-19.

21

Related posts

Leave a Comment