PAGBABA NG POVERTY RATE TARGET NG BBM ADMIN SA 2028

POSITIBO ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bababa ang poverty rate ng bansa sa siyam na porsyento pagsapit ng 2028.

Kumpiyansa si Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan na maaabot ang naturang target sa kabila ng mga hamon kabilang ang mabilis na inflation rate.

Magiging posible aniya ito sa pamamagitan ng paglikha ng maayos at de kalidad na trabaho at pagsasaayos sa social protection system at iba pa.

“But associated with that would be the generation of not just more jobs but higher quality jobs. And those two, growths and jobs and paying attention to social protection to address shocks like typhoons and crises… to enable us to achieve faster reduction of poverty from where it is today to single digit, at nine percent actually,” pahayag ni Balisacan.

Samantala, kabilang ang pagpapatupad ng Philippine Development Plan 2023-2028 sa agenda ng pulong kahapon ng umaga nina Pangulong Marcos Jr. at ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Kabilang sa overall goal ng PDP 2023 hanggang 2028 ang mapalakas ang paglikha ng trabaho at mabawasan ang kahirapan sa paraang maibalik ang sigla ng ekonomiya.

Sinabi ni Office of the Press Secretary (OPS) OIC Undersecretary Cheloy Garafil, sa nasabing mga aspeto sumentro ang pulong.

Importanteng pagpupulong ito ayon kay Garafil dahil prayoridad ng administrasyon ang may kinalaman sa economic recovery at poverty reduction.

Kasama rin sa pulong si NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon. (CHRISTIAN DALE)

31

Related posts

Leave a Comment