PAGBABALIK NG E-SABONG TINABLA NI PBBM

IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang patuloy na suspensyon ng electronic sabong o e-sabong operations sa buong bansa.

Nakasaad ito sa ipinalabas na executive order (EO) ni Pangulong Marcos.

“There is an urgent need to reiterate the continued suspension of all e-sabong operations nationwide, clarify the scope of existing regulations and direct relevant agencies to pursue aggressive crackdown against illegal e-sabong operations, in accordance with law,” ang nakasaad sa Executive Order No. 9, ipinalabas nitong Miyerkoles, Disyembre 28.

Ang kautusan ay naglalayong suspendihin ang live-streaming o broadcasting ng live cockfights sa labas ng cockpits o cockfighting arenas o premises kung saan isinasagawa ang sabong.

Sinuspinde rin ng EO ang “online/remote, or off-cockpit wagering/betting on live cockfighting matches and/or activities streamed or broadcast live, regardless of the location of the betting platform.”

Ang operasyon ng traditional cockfights “authorized o licensed” sa ilalim ng umiiral na batas ay hindi naman sakop ng suspensyon.

Sa ipinalabas na kautusan ng Pangulo, iginiit lamang ng Chief Executive na ang estado “has the paramount obligation to protect public health and morals and promote public safety and general welfare.”

Inatasan naman ng Pangulo ang Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) na makipag-ugnayan sa local government units (LGUs), iba pang concerned government agencies at private entities sa implementasyon ng EO No. 9.

Sa kabilang dako, ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ay kapwa inatasan na tulungan ang PAGCOR sa implementasyon ng kautusan at gumawa ng kaukulang hakbang laban sa mga lalabag, alinsunod sa batas.

Ang PAGCOR, sa pakikipagtulungan sa DILG at PNP, ay inatasang magsumite ng regular reports sa Pangulo sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary (OES).

Matatandaang, ipinag-utos ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na itigil ang online cockfighting operations o mas kilala bilang e-sabong noong Mayo 3, 2022. (CHRISTIAN DALE)

39

Related posts

Leave a Comment