Palusot ‘di ubra kay Pres. Marcos ULO GUGULONG SA NILAGDAANG SUGAR IMPORTATION

(CHRISTIAN DALE)

NAPIPINTONG humantong sa sibakan sa pwesto ang paglagda ng ilang opisyal sa planong pag-angkat ng nasa 300,000 metriko toneladang asukal.

Nasa ‘hot seat’ ang mga opisyal kabilang sina Sugar Regulatory Administration (SRA) chief Hermenegildo R. Serafica at Department of Agriculture (DA) Undersecretary Leocadio Sebastian na di umano’y pumirma sa ilegal na Resolution No. 4 na nai-upload sa website ng SRA na may kinalaman sa gagawing pag-angkat ng pamahalaan ng asukal.

“They are under investigation. There is no preventive suspension issued as of right now,” ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa press briefing sa Malakanyang.

“Alam nila ilegal, hindi naman baguhan sa SRA, syempre, hindi naman yung magiging dahilan para automatic alis ka dyan kasi naging iresponsable. Ang status nila, lahat po ng pumirma ay under investigation. Hintayin po natin today if a determination can be made na ma-issuehan sila ng preventive suspension order habang tumutuloy ang imbestigasyon. Pero kung mabilis lang ang imbestigasyon, makakakita tayo ng mga replacements very soon,” ayon kay Cruz-Angeles.

Sa kabilang dako, naniniwala naman aniya ang Pangulo sa due process.

Makabubuti aniya na hintayin ng publiko na malaman ang dahilan kung bakit minadali ng mga nabanggit na opisyal ang importasyon ng asukal.

“Nag convene sila na walang kaalam-alam ang Presidente and bibigyan sila ng pagkakataon i-explain yung panig nila. Pag hindi satisfactory ang kanilang explanations then the appropriate penalties will be imposed,” pagtiyak ni Cruz-Angeles.

Sinabi pa rin ni Cruz-Angeles na ang resolusyon ay “signed for by the President” ni Usec Sebastian na aniya’y hindi otorisadong lumagda lalo pa’t hindi naman inotorisa ng Pangulo ang importasyon.

Lalabas ani Angeles sa imbestigasyon kung kailangan pa bang magtiwala ng Pangulo sa mga opisyales na nadadawit sa ilegal na resolusyon, matukoy kung may malisya at kapabayaan ang mga sangkot sa kontrobersiya.

Aniya pa, mula sa pagsisiyasat ay madedetermina kung ilan ang maaaring masibak.

Binigyang diin nito na si Pangulong Marcos Jr. na siyang chairman ng SRA ang may kapangyarihan para magtakda ng anomang meeting at agenda habang wala ring resolusyon na inotorisa ang Presidente.

“You don’t convene the Sugar Regulatory Board in the absence of the president and in the absence of any such approval on his part. He didn’t approve the convening. you can only convene the board with the assent explicit assent of the president and he didn’t make such an agreement,” aniya pa rin.

Nauna rito, ibinasura ni Pangulong Marcos Jr. ang panukalang mag-angkat ng karagdagang 300,000 metriko tonelada ng asukal ng Pilipinas.

Nauna nang nagpahayag ang SRA ng posibilidad na magkulang ang suplay ng asukal sa bansa ngayong Agosto sakaling ipagbawal ng pamahalaan ang importasyon ng asukal.

Inihayag ng SRA na isa lamang sa 13 refineries ang operational dahil karamihan sa kanila ay tumigil na sa produksyon noong Mayo.

Nagpaliwanag
sa Pangulo

Kasunod nito, agad nagpaliwang si Agriculture Undersecretary Sebastian kay Pangulong Marcos Jr.

Sa press briefing pa rin sa Malakanyang, kinumpirma ni Press Secretary Cruz-Angeles ang lumabas na larawan sa post ng Office of the President na magkausap sina Pangulong Marcos at Sebastian.

Ani Cruz-Angeles, nagkaroon ng pagkakataon si Sebastian para sagutin ng impormal ang kinasasangkutan nitong isyu nang makaharap nito ang Punong Ehekutibo.

Gayunpaman, kailangang gawin aniya ni Sebastian ang paliwanag nito sa pormal na pamamaraan ngayong nagsasagawa na ng imbestigasyon sa planong importasyon.

Samantala, nais ng Punong Ehekutibo na malaman sa imbestigasyon kung bakit tila nagmamadali ang mga dawit na opisyal para makapag- import ng asukal.

‘Wag lokohin
ading ko – Sen. Imee

Tila pasaring naman ang binitiwang salita ng kapatid ng Pangulo na si Sen. Imee Marcos.

“Wag ninyong niloloko ang Ading ko,” aniya na patungkol sa mga nasa likod ng tinablang planong pag-aangkat ng asukal.

Dapat malansag ang pamamayagpag ng mga sindikato ng kawatan sa DA matapos nitong gamitin ang Office of the President para palusutin ang binabalak na importasyon ng asukal.

Ito ang sinabi ni Senador Imee kasabay ng pagpuri kay Pangulong Marcos Jr., sa pagbasura sa planong importasyon ng 300,000 metriko toneladang asukal kasabay ng hirit na magsagawa ng rigodon sa matataas na opisyal ng DA para buwagin na ang mga kriminal na sindikato sa gobyerno.

Nais din nitong paimbestigahan ni Marcos si DA Undersecretary Sebastian at iba pang mga opisyal ng ahensya kung bakit binawi ang pagharang sa importasyon ng mga processed animal protein (PAP) galing Italy at iba pang bansa na kontaminado ng African Swine Fever (ASF).

Binuko ni Marcos si Sebastian na sumang-ayon umano sa banta ng ASF sa pirmado nitong memo noong August 5 na magpapalusot sa pag-angkat ng PAP sa bansa.

Samantala, sinuportahan din sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang desisyon ni Pangulong Marcos Jr., na tablahin ang mungkahi na mag-angkat ng 300,000 metriko toneladang asukal.

Ayon kay House committee on ways and means chairman Joey Salceda, malaki ang epekto sa local sugar industry lalo na sa mga manggagawa ang pag-aangkat ng asukal.

“The President, now the caretaker of farmers as DA Secretary, knows this well and doubtless considered this effect on domestic farmers,” paliwanag ng mambabatas kaya aniya hindi masisisi ang Pangulo sa kanyang desisyon.

Dahil dito, iminungkahi ng mambabatas sa sweetened beverage makers na imbes na asukal ay gumamit na lamang ang mga ito ng ibang sweetener tulad ng High Fructose Corn Syrup habang inaantay ang anihan ng tubo.

Iminungkahi ring solusyon ng mambabatas para mababawasan ang paggamit ng asukal habang naghihintay ng anihan ay ipagbawal ng Department of Education (DepEd) ang pagbebenta ng softdrinks sa mga paaralan. (May dagdag na ulat sina NOEL ABUEL at BERNARD TAGUINOD)

65

Related posts

Leave a Comment