Pangongopya sa Maharlika Fund ibinunyag ROMUALDEZ, SANDRO BISTADO RIN

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI orihinal na konsepto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., o ng kanyang pinsan na si House Speaker Martin Romualdez at anak na si Ilocos Norte Rep. Sandro ang isinusulong ng mga ito na Maharlika Investment Fund (MWF).

Una itong ipinorma ng yumaong Ferdinand Marcos Sr., ama ng pangulo, katunayan, nakasaad umano ito sa ‘last will’ ng una.

Sa konsepto ng matandang Marcos, ang pondo ay magmumula sa kanilang private sources at assets.

Taliwas ito sa Maharlika Fund na nakatakdang lagdaan upang maging ganap na batas ni Marcos Jr. kung saan ang pondo ay huhugutin mula sa gobyerno o kaya’y sa kontribusyon ng taumbayan.

Malinaw na walang plano si Marcos Jr., na sundin ang last will ng kanyang ama, gayundin ng inang si Imelda na idonate sa mga Pilipino ang 90 percent ng kanilang yaman sa pamamagitan ng Maharlika Fund.

Sa bagong Maharlika Fund, pera ng taumbayan mula sa mga financial institutions tulad ng Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines (DBP) at iba pa ang nais ni Marcos Jr., na gamitin.

Sa artikulong sinulat ni Gerry Lirio ng Bravo News Ph, isiniwalat ni Serafia “Cherry” Cobarrubias, close aide ng ina ni Marcos Jr., na si dating first lady Imelda Marcos na kung mayroong isang kahiligan ang 94-anyos na amo nito, iyon ay idonate ang 90% ng kanilang yaman sa mga Pilipino.

“My First Lady never stopped thinking of the Marcos loyalists,” ani Cobarrubias sa panayam ni Lirio.

Inaasahang lalabas ito sa librong isinulat ni Cobarrubias na “My President, My First Lady, My Life” ukol sa kanyang buhay sa piling ng dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. at Imelda habang naka-exile ang pamilya ng mga ito sa Hawaii.

Ayon kay Cobarrubias, nais ni Imelda na sundin ang last will ng kanyang mister na magtatag ng Maharlika Fund kung saan pwedeng idonate ng mga ito ang 90% ng kanilang yaman at ang natitirang 10% ay maiiwan sa kanilang pamilya.

“Certificates of Registration were to be formally issued on April 17, 2019, initially for the Marcos Loyalists. These were signed by my First Lady and with the waxed seal of a tradeable gold coin.

According to the Last Will of my President, the Marcos Foundation assets/funds would be shared at 90 percent for the people, and 10 percent for the Marcos family. Imelda had likewise wanted it so,” ani Cobarrubias.

Alam aniya ito ng mga anak ng mag-asawang Marcos na sina Marcos Jr., Sen. Imee Marcos at Irene Marcos-Araneta.

Gayunpaman, noong 2019, pinatigil umano siya ni Marcos Jr., na ipursige ang last will ng ama sa kadahilanang hindi niya ito naiintindihan.

Ayon kay Cobarrubias, nais ni Imelda na ituloy ang orihinal na plano habang nabubuhay pa ito dahil ito ang last will ng kanyang asawa. Subalit mistulang hindi ito mangyayari dahil imbes na yaman ng mga Marcos ay pera ng bayan ang gagamitin ng kanyang anak sa MIF.

Walang eksaktong halaga ang nais ng mag-asawang Marcos na idonate sa mga Pilipino sa pamamagitan ng Maharlika Fund na kinumpirma rin ni dating Vice President Salvador Laurel sa kanyang librong “Neither Trumpets nor Drums,” noong 1992 kapalit ng pagpayag ni dating Pangulong Corazon Aquino na pabalikin sa Pilipinas ang pamilya ng pinatalsik na pangulo.

Gayunpaman, sa isang 14 pahinang statement ng negosyanteng si Enrique Zobel sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon committee sa Philippine Consulate sa Honolulu noong October 27-29, 1999, sinabi nito kina dating Sens. Aquilino “Nene” Pimentel Jr., at Juan Flavier na $100 Billion ang yaman ng mga Marcos noong 1989.

Kabilang dito ang $35 Billion na halaga ng gold bars na nakatago sa Northeastern Atlantic coast ng South America na ayon kay Ayala ay ipinakita mismo sa kanya ni Marcos Sr., ang hawak na gold certificate.

Kung pagbabasehan naman ang isang interview kay dating Buhay party-list Rep. Lito Atienza, noon sinabi umano sa kanya ni Imelda na nais niyang ibalik ang bahagi ng 7,000 tons ng gold bar na nagkakahalaga ng P15 trillion habang sinabi naman ni dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) Commissioner Ricardo Abced noong 2010 na inamin sa kanya ng dating Unang Ginang na meron silang $1 trillion sa isang bangko sa New York.

“She instructed me to look at how she could be able to obtain funds from sources that were not sequestered nor frozen. The Marcos Foundation could be activated and the funds distributed for the benefit of the people who would be named as ‘the Maharlikans.’ She repeated this to me like a mantra,” ani Cobarrubias kay Lirio.

Subalit mistulang hindi ito mangyayari dahil ayaw bigyang halaga ni Marcos Jr., ang huling kahilingan ng kanyang ama at last wish ng kanyang ina na nagdiwang ng ika-94 taong kaarawan noong July 2.

144

Related posts

Leave a Comment