(BERNARD TAGUINOD)
BOKYA o walang orihinal na miyembro ng political party ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na Partido Federal ng Pilipinas (PFP) sa senatorial race sa 2025 midterm election.
Ayon ito sa ilang political observers matapos ilabas ang senatorial line-up ng administrasyon kung saan kapansin-pansin na walang original members ng PFP, kung saan chairman si Marcos at pangulo naman ng partido si South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo Jr.
Sa inilabas na listahan, tatlo ang ipinalabas na kandidato ng PFP na kinabibilangan nina dating Sen. Manny Pacquiao, Sen. Francis Tolentino at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, ang mga ito ay dating miyembro ng PDP-Laban.
“Walang original members from Partido Federal ng Pilipinas. Sinabi Pacquiao, Tol Tolentino at si Benhur were not original members of the party,” ayon sa political observer na hindi na nagpabanggit ng pangalan.
Nangangahulugan aniya ito na walang kwalipikado at pwedeng manalo sa partido na nagdala sa kandidatura ni Marcos noong 2022 presidential election.
Lumabas din na mas marami ang kandidato mula sa iba’t ibang partido na kaalyado ng administrasyon tulad ng Nationalist People’s Coalition (NPC), Lakas-CMD at Nacionalista Party (NP).
Base sa inilabas na listahan, dalawa ang kinuha sa Lakas-CMD sa katauhan nina Sen. Bong Revilla Jr., at Congressman Erwin Tulfo at tatlo naman sa NP na kinabibilangan nina Sens. Pia Cayetano at Imee Marcos at Las Piñas Rep. Camille Villar.
Mas marami ang mula sa NPC na nakakuha ng apat sa katauhan nina Sen. Lito Lapid, ex-senators Tito Sotto at Ping Lacson at Makati Mayor Abby Binay.
Sa kasalukuyan ay walang PFP member ang nakaupo sa Senado habang 12 na ang miyembro ng mga ito sa Mababang Kapulungan matapos lumipat ang 10 congressmen sa partido sa pangunguna ng anak ni Marcos na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.
51