PBBM DINIINAN BENEPISYO NA IDUDULOT NG RCEP

SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang ratipikasyon ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), itinuturing na pinakamalaking “free trade agreement” ay pagpapakita lamang sa buong mundo na ang Pilipinas ay committed sa economic openness.

Sa kanyang official Facebook page at Twitter account, winelcome ng Pangulo ang naging desisyon ng Senado na sang-ayunan ang ratipikasyon matapos ang dalawang araw na plenary debates.

“We are proud of the swift ratification of the Regional Comprehensive Economic Partnership Agreement, demonstrating our commitment to openness and a thriving business environment,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Being part of this regional free trade agreement holds immense potential for promoting economic growth and development across the Asia-Pacific and brings numerous opportunities for our country, particularly in the areas of agriculture, manufacturing, and micro, small and medium enterprises (MSMEs),” dagdag na wika nito.

Sa ulat, sa ilalim ng free trade agreement, 50% ng Philippine exports ay mapupunta sa mga bansang miyembro ng RCEP, habang 68% ng imports ay manggagaling sa mga bansang kabilang sa RCEP na ang ibig sabihin ay mas lalawak ang access ng mga produkto ng Pilipinas sa international market.

Ang makukuhang benepisyo ng Pilipinas sa RCEP ay zero o mas mababang taripa sa pag-aangkat ng mga export galing sa bansa, mas malawak na pagkukunan ng raw materials, mas simple at mabilis na cross border trade at mas maraming oportunidad para sa skilled Filipino professionals at mga negosyante.

Winika ng Pangulo, sa pamamagitan ng RCEP ay makikinabang ang MSMEs dahil makakasali ang mga ito sa global value chain, mas matatag na market access at makakakuha ang gobyerno ng murang fertilizers, pesticides at iba pang kaalaman para sa mga magsasaka.

Higit sa lahat, ani Pangulong Marcos ay mapapalakas ang pamumuhunan para sa teknolohiya sa agrikultura kasama na ang research and development.

Nauna rito, tuluyan nang niratipikahan ng mataas na kapulungan ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) na sinasabing pinakamalaking trade agreement.

Sa pamamagitan ng 20 affirmative votes, one negative vote at one abstention, inaprubahan ang Senate Resolution 485 kaugnay sa ratipikasyon ng paglagda ng Pilipinas sa RCEP.

Nagpahayag naman ng pagtutol sa kasunduan si Senator Risa Hontiveros dahil hindi aniya siya kumbinsido na hindi ipinapahamak sa RCEP ang kalusugan ng mamamayan kaugnay sa tobacco at formula milk advertisements.

Sinabi ni Hontiveros na kahit may batas pa ang bansa na ipinagbabawal ang tobacco at formula milk advertisements ay posible pa rin itong maging kwestyonable sa ilalim ng RCEP.

Hindi rin aniya siya kumbinsido na makabubuti sa bansa ang RCEP lalo pa’t mayroong sulat ang 131 na organisasyon mula sa iba’t ibang grupo partikular na ang mga magsasaka at health advocates na naniniwalang hindi pa handa ang bansa sa RCEP at hindi pa ito panahon para makiisa rito ang bansa.

Samantala, Hiniling naman ni Senator Alan Peter Cayetano sa mga sponsor ng RCEP agreement na bantayan nang mabuti ang mga sektor na maaaring maiwan kapag niratipikahan ng Senado ang free-trade agreement sa Asia-Pacific region. (CHRISTIAN DALE)

48

Related posts

Leave a Comment