PBBM, NEGOR GOV. TEVES MAGKASANGGA

NAGKAROON ng magandang pag-uusap sina Presidente Ferdinand Marcos Jr. at Negros Oriental Gov. Henry Teves sa kanilang pagkikita kamakailan sa Bacolod City.

Sa kabila ng kasalukuyang problema na dulot ng tila maling palakad ng Commission on Elections (Comelec) na pansamantalang nagpatigil kay Teves na pagandahin ang lalawigan, ay hindi naging hadlang sa malinis na hangarin sa Negros.

Sa pag-uusap ng dalawa, iminungkahi ni Gov. Teves sa Pangulo ang hangad nito na mapalakas ang industriyalisasyon sa buong Negros Oriental at Occidental.

“Nabanggit ko sa ating mahal na Pangulo na magiging malaking bagay ang pagtutulak ng industrialization sa Negros. Lalo pa ang kanyang ama na si dating Presidenteng Marcos Sr. ay nag alok dati ng geothermal energy sa Negros na sa tingin ko na kung hindi nagkaroon ng problema sa panahon nito ay naging prayoridad ito,” sabi ni Teves.

“Sigurado ako na hindi lang sa Negros bagkus sa buong bansa ay makakatulong ito nang labis,” dagdag ni Teves.

Sinabi rin nito na kung mabilis maitatama ng Korte Suprema ang kasong hinain nito laban sa natalong gobernador na si Roel Degamo sa nakalipas na eleksyon, kasama ang 20 mayors ng Oriental, sisikapin nila na mapabilis ang industrialization sa Negros.

Nagkaroon din ng pag-uusap si Gov. Teves at SAP Anton Lagdameo. Kung saan hiling din ni Teves na mabigyan ng linaw ang nakaraang mga balita kung saan, kapangalan nito ang isa sa mga “sugar smuggler” umano sa bansa.

“Nabanggit ko din po kay SAP na dapat mabuo ang pangalan at identity. Since “Henry ” din po ang gamit ko. Ngunit ang isa na tinukoy ng ating Senadora Imee Marcos ay taga ibang probinsya,” pahayag nito.

Sa kasalukuyan, naghihintay si Teves ng desisyon ng SC upang maipagpatuloy ang magandang nasimulan nito sa Negros Oriental.

“Nang ako po ay nagkaroon ng matinding aksidente, nang madamay sa isang malakas na pagsabog, nasabi ko na ang aking “second life” o dugtong na buhay na kaloob ng Diyos ay aking gagamitin upang makapagsilbi at makatulong sa mga tao, maging sa ekonomiya at bansa,” pagtatapos ng gobernador.

Matatandaan na pinalagan ng mamamayan ng NegOr ang desisyon ng Comelec na isama sa boto ni Roel Degamo ang nakuhang boto ng isa pang kumandidatong si Ruel Degamo na idineklarang nuisance candidate sa nakaraang eleksyon.

Nagtungo ang mga ito sa kapitolyo upang ipakita ang suporta sa gobernador na kanilang ibinoto.

“Ang nakakataka lang ay silang dalawa ang nagkasuhan (dalawang Degamo), ngunit sa desisyon ng Comelec ay nadawit si Gov. Teves kahit ito ay hindi kasama sa nasabing kaso. At bigla na lang magkakadirektiba na i-bakante niya (Gov. Teves) ang Kapitolyo dahil si Roel Degamo ang nanalo at binabawi na nila ang naging proklamasyon sa aking kapatid,” nagtatakang pahayag naman ni Rep. Arnie Teves.

18

Related posts

Leave a Comment