PBBM sa mga Pinoy MAGING LAW-ABIDING AT MAPAGMATYAG

(CHRISTIAN DALE)

MAARING maging bayani ang bawat Pilipino sa kani-kanyang pamamaraan at kontribusyon sa lipunan.

Sa paggunita sa ika-159 kaarawan ni Gat. Andres Bonifacio sa Monumento, Caloocan City, nag-alay ng bulaklak si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa kanyang pananalita ay ibinilang niya ang ilang sektor ng lipunan sa hanay ng mga makabagong bayani.

Sa mensahe ng Pangulo, sinabi nitong kayang gawin ng bawat isa na maging pinakamahusay na uri ng kanyang sarili.

Winika ng Pangulo na magagawa ito katuwang ang mga makabagong bayani gaya ng mga doktor, nurse, sundalo, pulis at mga OFW.

Naipapakita aniya ng mga makabagong bayani na ang bawat isa ay may angking kakayahan na makagawa ng kabutihan sa lipunan at pamayanan.

Hinimok din niya ang mga Pinoy na tularan ang kabayanihan ni Bonifacio.

Dapat aniyang maging masunurin ang bawat Pilipino, maging mapagmatyag sa mga problema na kinakaharap ng bayan at sa mga banta sa kalayaan ng Pilipinas.

Samantala, umapela rin si Speaker Martin Romualdez sa sambayanang Pilipino na gayahin si Bonifacio na isinakripisyo ang sarili para makamit ang kalayaang tinatamasa natin ngayon.

Si Romualdez ay kasama ni Pangulong Marcos Jr. na dumalo sa aktibidad sa monumento ni Bonifacio sa Caloocan City kahapon.

“We honor the sacrifices of our heroes by performing our respective civic duties and each contribute to nation-building. And in doing so, we become the heroes of our time,” ani Romualdez.

Ayon sa mambabatas, napapanahon ito ngayon na kailangan ang pagkakaisa upang makabangon agad ang bansa mula sa epekto ng pandemya.

Wala aniyang duda na kapag nagkaisa ang mga Pilipino ngayon tulad ng pagkakaisa ng mga Katipunero sa pangunguna ni Bonifacio noong kanilang paglaban sa Kastila ay makababangon agad ang bansa sa pandemya.

(May dagdag na ulat si BERNARD TAGUINOD)

42

Related posts

Leave a Comment