PBBM UMAASANG MAKAKAUSAP SI BIDEN

UMAASA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makahaharap niya at magkakaroon siya ng pagkakataon na makapulong si US President Joseph Robinette Biden Jr. habang ang una ay nasa kanyang working visit sa Estados Unidos.

Sa kanyang talumpati sa Filipino community sa New Jersey Performing Arts Center, sinabi ni Pangulong Marcos na humingi ng kaunting panahon at oras ang gobyerno ng Pilipinas sa ilang heads of state na dadalo sa United Nations 77th General Assembly para sa bilateral o multilateral meetings.

“Pagkatapos ng mga malalaking speech ay nagkikita-kita, mag-uusap-usap kami na bilateral, multilateral, kung ano pa mga iba’t ibang meeting kaya’t ‘yun ay napaka importante rin kaya’t ginawa namin na nakapagplano kami at humingi kami ng panahon dito sa mga napunta rito para sa General Assembly. Sabi ko pagkakataon na natin at hindi natin sila mapupuntahan sa kanilang bansa, dito na natin silang kakausapin,” ayon sa Pangulo.

“I am hoping to be able to meet President Joseph Biden and other world leaders on the sides of the UN General Assembly,” dagdag na pahayag ng Chief Executive.

Bukod sa mga miting sa heads of state, sinabi ni Pangulong Marcos na nakatakda siyang makipagpulong sa US business leaders sa pag-asang makapanghihikayat ng investors sa Pilipinas.

“Our bilateral alliance with the United States is possibly as important policy as there is in the Philippines. Our relations with the United States remains strong and I believe we will make them stronger in the coming years,” ayon sa Pangulo.

Dumating si Pangulong Marcos sa Estados Unidos, noong Linggo at kaagad sinimulan ang kanyang six-day working visit sa pamamagitan ng isang miting kasama ang Filipino community.

Ito ang pangatlong foreign trip ni Pangulong Marcos simula nang maupo sa pwesto bilang halal na Pangulo ng Pilipinas.

Tinukoy ng Pangulo ang pangangailangan na makalikha ng ‘partnerships’ kasama ang ibang bansa upang makatulong na bumangon mula sa kasalukuyang global crisis.

“I am here to make sure na ipapaliwanag natin kung nasaan na ang Pilipinas at kung ano ang mga maaaring gawin dahil sa ating palagay sa pagdating, paglabas natin ng pandemya at sinasabi na patapos na ay kailangan nating ayusin ang ating ekonomiya,” ayon sa Pangulo.

“Kaya po ay kailangan natin makipag-partner at makipag-usap sa lahat ng iba’t ibang bansa nang sa ganoon ay makapagtulungan tayo na makalabas, makaahon dito sa sitwasyon na ating nararanasan ngayon,” dagdag na pahayag nito.

Sa kanyang pulong sa Filipino community sa New Jersey, USA, hinikayat ng Pangulo ang mga Pilipino na suportahan ang turismo at mamuhunan sa Pilipinas.

Hinarap ni Pangulong Marcos ang mga Pilipino na nagmula hindi lamang sa New Jersey kundi maging sa New York at Canada na nagtipon-tipon sa New Jersey Performing Arts Center.

Sa naging talumpati ng Punong Ehekutibo, kinilala nito ang mga sakripisyo at ambag ng overseas Filipino workers (OFWs) sa economic recovery.

“Kahit nasa malayo kami ay pinapanood namin kayo, pumuputok po ang puso namin ‘pag nakita namin ang inyong ginagawa na itinataas at pinapatingkad ang pangalan ng Pilipinas sa buong mundo,” ayon kay Pangulong Marcos.

Pinasalamatan din ng Chief Executive ang mga Pilipino sa Estados Unidos sa kanilang remittances account na pumalo sa 40% ng mahigit sa $3.4 billion total remittances.

Kabilang sa mga opisyal ng pamahalaan na kasama ni Pangulong Marcos sa working visit niyang ito sina Unang Ginang Louise Araneta-Marcos, Ambassador Jose Manuel G. Romualdez, Ambassador Antonio Manuel R. Lagdameo Sr., Speaker Ferdinand Martin Romualdez, at mga anak na sina Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander A. Marcos III, at Joseph Simon A. Marcos.

Kasama rin ng Pangulo ang ilan sa miyembro ng kanyang gabinete gaya nina Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, DFA Sec. Enrique Manalo, Finance Sec. Benjamin Diokno, Budget Sec. Amenah Pangandaman, NEDA Sec. Arce Balisacan, BSP Gov. Felipe Medalla, DOT Sec. Christina Frasco, DPWH Sec. Manuel Bonoan, DOTr Sec. Jimmy Bautista, DICT Sec. Ivan John Uy, DMW Sec. Toots Ople, DTI Sec. Alfredo Pascual, PMS Sec. Naida Angping, at Special Assistant to the President Antonio Lagdameo Jr. (CHRISTIAN DALE)

Related posts

Leave a Comment