PRES. MARCOS TODO-SUPORTA SA GILAS

(CHRISTIAN DALE)

NAGPAABOT ng pagbati si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa koponan ng Gilas Pilipinas makaraang tambakan at manalo laban Saudi Arabia sa ginanap na 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers, Lunes ng gabi.

Personal na pinanood ni Pangulong Marcos ang nasabing laro. Dumating ang Pangulo na nasa third quarter na ang laro.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nanood si Pangulong Marcos ng national team nang “live” sa venue sa ilalim ng kanyang administrasyon.

“Binabati natin ang Gilas Pilipinas sa kanilang panalo laban sa koponan ng Saudi Arabia sa naganap na FIBA World Cup Asian Qualifiers Game kagabi,” ang pagbati ni Pangulong Marcos sa kanyang tweet, nitong Martes.

“Kumpiyansa tayo na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya para makapagdala ng karangalan sa bansa,” dagdag na pahayag nito.

Sa ulat, tinambakan ng Gilas Pilipinas ang Saudi Arabia sa kanilang paghaharap sa FIBA World Cup Asian Qualifiers sa iskor na 84-46.

Bumida si Jordan Clarkson para sa Gilas sa kanyang unang home game.

Nagtala ng 23 points, six assists at five rebounds si Clarkson habang may 16 points, 13 rebounds at four blocks naman si Kai Sotto.

Samantala, bukod kay Pangulong Marcos ay nanood din si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kapwa nagpakita ng suporta para sa national team.

Bahagya namang nabahiran ng kontrobersya ang laro nang makailang-ulit na i-boo ng mga manonood ang coach ng Gilas Pilipinas na si Chot Reyes.

85

Related posts

Leave a Comment