Sa BBM admin may importasyon na, may smuggled pa pero.. PRESYO NG ASUKAL MAHAL PA RIN

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

HINDI pa rin nasosolusyunan ng pamahalaan ang mataas na presyo ng asukal sa kabila ng mga ikinasang importasyon ng suplay nito.

Sa price monitoring ng Sugar Regulatory Administration (SRA), lumilitaw na tumaas ng hanggang P136 kada kilo ang retail price ng asukal sa supermarkets sa kabila ng pagbuhos ng inangkat na asukal sa merkado.

Matatandaan na una nang pinayagan ng pamahalaan ang pag-angkat ng 440,000 metrikong tonelada ng asukal sa ilalim ng Sugar Order No. 6 para umano mapababa ang presyo sa pamilihan.

Naglalaro sa pagitan ng P90.95 at P136 ang kada kilo ng asukal sa mga grocery sa Metro Manila habang sa public wet markets naman ay nasa pagitan ng P88 at P110 kada kilo.

Batay pa sa price monitoring ng SRA, ang retail price ng washed sugar ay nasa pagitan ng P85 at P120 kada kilo sa mga grocery at sa mga merkado naman ay nasa halagang P85 at P95.

Para naman sa raw sugar, pumapalo sa pagitan ng P85.60 at P111 ang kada kilo sa supermarkets at P80 hanggang P90 kada kilo naman sa palengke.

Sa monitoring naman ng Department of Agriculture (DA), ang retail price ng refined sugar ay nasa pagitan ng P86 at P110 kada kilo, sa washed sugar ito ay nasa pagitan ng P80 at P90 kada kilo habang sa brown sugar naman ay nasa P78 hanggang P95 kada kilo.

Kaugnay nito, patuloy na binabatikos ni Senador Risa Hontiveros ang pagbaba sa merkado ng mga kinumpiskang smuggled sugar partikular sa mga Kadiwa store.

Naninindigan ang senador na ilegal ang produkto at mali na pagmukhain itong legal sa pamamagitan ng pagbebenta rito ng gobyerno.

“Ginawa talaga nila ang lahat para mailusot at maisaligal ang kontrabandong asukal na ‘yan. Niluto na lahat ng SRA, DA, at malungkot kung pati ang Palasyo… Parang naging waiter na lang ang BOC…,” bahagi ng pahayag ni Hontiveros sa panayam sa radyo kaugnay ng sugar importation.

Dagdag pa ng senador, kung pinayagan sila sa Senado na makapag-imbestiga at makapaglabas ng mga rekomendasyon kaugnay sa kontrobersyal na sugar order ay posibleng nakasuhan na si Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban.

Matatandaang kinuwestyon ang pag-aangkat ng 440,000 metric tons ng asukal na nakopo umano ng pinaborang tatlong sugar importers at dumating bago pa maglabas ng sugar order.

Lumilitaw na Pebrero 15 lamang inilabas ang Sugar Order (SO) No. 6 para mag-angkat ng 440,000 MT ng asukal ngunit dumating ang kontrabando sa bansa noong Pebrero 9, 2023.

Patutsada pa ni Hontiveros, “mas mataas na ba ngayon ang memo ng executive secretary kaysa sa sugar order na iniuutos ng batas? Para saan pa ang SRA? Gagamitin na lang ba ang mga institusyon natin para sa pagkagahaman ng iba diyan?”

Ito’y dahil ang tanggapan umano ni ES Lucas Bersamin ang naglabas ng memo para umangkat ng asukal.

“Kung maayos na ginawa ang importation, dapat March 1 pa darating ang asukal. 3 weeks later,” dagdag pa ni Hontiveros.

Kung maayos aniya ang importasyon, bababa ang presyo ng asukal ng hanggang 65 pesos per kilo. Ngunit dahil mula ito sa smuggling ay dapat ibigay nang libre sa Kadiwa sa halip na ibenta.

60

Related posts

Leave a Comment