Sa dami ng kontra PRES. MARCOS JR. ATRAS SA MWF

KUMAMBYO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isinusulong na Maharlika Wealth Fund matapos sabihing ipauubaya na lamang niya sa mga mambabatas ang desisyon sa pagbuo ng nasabing panukala.

Kasunod ito ng anunsyo na hindi na kasama ang Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) sa mga pagkukunan ng pondo ng MWF.

Sa panayam ng media na kasama sa eroplano ni Pangulong Marcos Jr., habang patungo sa Brussels Belgium, sinabi ng Punong Ehekutibo na hahayaan niyang gawin ng lehislatura ang kanilang trabaho para rito.

Ito’y bagaman naniniwala aniya siya na malaking tulong sa bansa ang pagkakaroon ng Maharlika Wealth Fund.

Sinabi ng Pangulo na malinaw na makadaragdag ito sa investment ng bansa kaya siya nagka-interes na pag-usapan ito.

Nanawagan din ang Pangulo sa mga kontra at bumabatikos sa MWF na huwag na muna itong pagtalunan dahil patuloy pang binubusisi ang mga probisyon sa panukalang ito.

Mas maigi aniyang hintayin na lang ang desisyon ng lehislatura para rito.

Nauna rito, sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na sa pamamagitan ng MWF ay tataas ang investments at ang pagpopondo sa infrastructure projects at countryside development, partikular na sa agrikultura.

Sa isang joint statement, sinabi nito na sa “near and medium term, nakikita ang MWF na makapagsasaayos sa fiscal space at mababawasan ang fiscal pressures.

Nananawagan ang economic managers ng agarang pagkilos sa batas na MWF na anila’y makatutulong sa paglago ng bansa.

“Let us not delay economic progress. Let us not deprive our people of this opportunity for prosperity,” ayon sa mga ito.

Tiniyak din nila na sa pamamagitan ng pamamahala ng mga propesyunal sa panukalang MWF, mayroong sapat na gamit at pangangasiwa sa nasabing investible public funds. (CHRISTIAN DALE)

34

Related posts

Leave a Comment