PARA sa ilang netizens, senyales ng katamaran at kawalan ng pakialam ang patuloy na kumpiyansang ibinibigay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Tourism Secretary Christina Frasco.
Sa halip anilang panagutin ang kalihim sa malaking kahihiyang idinulot sa bansa ng palpak na promotional video para sa kampanya nitong “Love the Philippines” ay mistulang kinunsinte pa niya ito.
Kamakalawa, inihayag ng Pangulo na nananatili ang kanyang kumpiyansa kay Frasco sa kabila ng mga batikos na inabot nito dahil sa campaign video na may footage ng lokasyon sa labas ng bansa.
“Yes absolutely. No question,” ayon kay Pangulong Marcos nang tanungin kung nagtitiwala pa rin ito sa Kalihim sa kabila ng kontrobersiya.
Sa katunayan, sinabi ni Pangulong Marcos na palagi siyang nakikipag-ugnayan kay Sec. Frasco kasunod ng mga kritisismo na ipinupukol sa ahensya hinggil sa kanilang kampanya kung saan natampok ang stock video scenes mula sa ibang bansa subalit pinapalabas na isa itong local tourist destinations at kontrolado ng Kalihim ang sitwasyon.
“Nakita ko naman mabilis ang galaw niya, that she terminated the contracts that were in question. She has also since then put under review all of the other contracts that were in the pipeline,” ayon sa Punong Ehekutibo.
“What she has done so far inspires confidence that she will fix the problem and that the campaign of Love the Philippines will be as successful as we hope for it to be,” dagdag na wika nito.
Sa ulat, tinatayang nasa P49 milyon ang ginastos ng Department of Tourism (DOT) para sa pagbuo ng bagong tourism slogan ng Pilipinas na “Love the Philippines.”
Magugunitang, noong Hunyo 27 ay inilunsad ng DOT ang bagong tourism slogan ng Pilipinas na kapalit ng “It’s More Fun in the Philippines.”
Ayon kay Sec. Frasco, ang P49 milyon ay ginamit para sa paglikha ng logo, pagsasagawa ng global, regional, at local studies, at iba pang komponent ng kampanya.
“As far as next year is concerned, we are truly hopeful for support as far as rolling out the campaign here and abroad,” ayon sa Kalihim.
Ngunit para sa mga netizen, dapat may managot sa nasabing kontrobersya lalo pa’t pinag-usapan ito hanggang sa ibang bansa nang ibalita ng major global outlets kabilang ang BBC news. (CHRISTIAN DALE)
