(JESSE KABEL RUIZ)
PAGPAPAKITA umano na hindi natatakot kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga smuggler sa magkakasunod na pagkakakumpiska ng mga puslit na frozen meat product sa isa pang cold storage facility sa Bulacan.
Matatandaang iniutos na ni Marcos Jr. sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na masusing imbestigahan ang napaulat na hoarding, smuggling, at price fixing sa agricultural products.
Naniniwala si Pangulong Marcos, siya ring kalihim ng Department of Agriculture (DA), na maraming sindikato ang nasa likod ng smuggling at hoarding ng agricultural products.
Sa ulat, walo katao ang inaresto habang nasa 14,000 kilos ng smuggled frozen products na nagkakahalaga ng P2.8 milyon ang nasamsam sa joint operation ng DA at Bureau of Customs sa Meycauayan City, Bulacan.
Nadiskubre ito sa isinagawang follow-up joint inspection ng DA, BOC, National Meat Inspection Service (NMIS) at iba pang law enforcement agencies sa isang warehouse na umano’y nag-o-operate nang walang business permit.
Dalawang makeshift cold storage container ang natuklasan na naglalaman ng iba’t ibang frozen meat at dalawang sasakyang may expired na meat products ang natuklasan sa bodega.
Bunga nito, mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10611 o Food Safety Act of 2013 ang walong naaresto sa storage facility.
Una nang nakakumpiska ang abot sa 175,000 kilos na imported meat products na nagkakahalaga ng P35-M sa Meycauayan noong Hulyo 11.
Dahilan para tutukan ng mga awtoridad ang mga hinihinalang improvised storage facilities na pinagtataguan ng frozen meat products.
Nauna nang nagbabala ang DA na maaaring makulong ng hanggang 12 taon ang mga importer, distributors at mga reseller ng puslit na frozen meat o botcha base sa nakasaad sa Meat Inspection Code of the Philippines.
Nagsasagawa na rin ang mga awtoridad ng imbentaryo sa mga nakumpiskang karne at iniimbestigahan kung saan ibinibenta ang mga ni-repack nito.
147