(BERNARD TAGUINOD)
KAILANGAN nang tugunan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang patuloy sa pagtaas na inflation sa halip na tumutok lang sa pagbiyahe sa iba’t ibang bansa.
“Jet-setter Marcos Jr. should answer for 8.7% runaway inflation,” hamon ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa Pangulo matapos pumalo sa 8.7% ang inflation rate noong Enero na mas mataas ng 0.6% mula sa 8.1% na naitala noong December 2022.
Dismayado ang mambabatas dahil mahigit pitong buwan na aniya sa Malacañang si Marcos Jr. subalit hindi nito nareresolba ang patuloy na paglobo ng inflation.
“President Marcos Jr., who is flying to Japan this week for his ninth foreign trip since July 2022, must answer for the steep inflation rate and heavier economic burden weighing on the shoulders of ordinary Filipinos. Hindi pa rin ba seseryosohin ang problema ng napakataas na presyo sa bansa?,” ani Brosas.
Ayon sa mambabatas, ang nakukuhang investment ni Marcos sa kanyang mga biyahe sa labas ng bansa ay walang direktang epekto sa tao dahil pangako pa lamang ito at walang kasiguraduhan kung tutuparin ng mga bansa at mga dayuhang negosyante na nangako sa kanya na mamuhunan sa Pilipinas.
“Ang kagyat na dapat gawin ay itaas ang sahod ng mga manggagawa, maglaan ng subsidyo sa agricultural production para ibaba ang presyo ng pagkain, at suspendihin ang VAT at excise tax sa langis,” ayon pa sa mambabatas.
Sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA), mas mataas ang inflation sa labas ng National Capital Region, partikular sa Western Visayas na umaabot sa 10.3%; 9.8% sa Central Luzon at 9.4% sa Davao Region.
Nangangahulugan aniya na mas mataas ang presyo ng mga bilihin sa mga nabanggit na rehiyon subalit mistulang hindi tinutugunan ng Pangulo.
“Hindi pwedeng idahilan na papataas pa rin ang inflation sa ibang bansa dahil sa katunayan, pababa na ang inflation rate sa Eurozone at sa Estados Unidos halimbawa,” ayon pa sa mambabatas.
Naniniwala rin ang mambabatas na palpak ang economic managers ni Marcos dahil kahit nagtaas ng interest rate ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para maibsan umano ang inflation ay hindi pa rin napigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“The latest inflation data also betrays the forecast of economic managers that inflation has already peaked in December – which means that there is something terribly wrong, and ordinary Filipinos are paying the price for terrible macroeconomic policies,” dagdag pa ni Brosas.
Dapat harapin aniya ni Marcos ang problema at ipaliwanag sa taumbayan kung bakit hindi nito mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ano ang kanyang plano para hindi malubog sa kahirapan ang mga Pilipino na kanyang pinangakuan ng magandang buhay noong nangangampanya ito.
