(BERNARD TAGUINOD)
NAIBENTA na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Pilipinas sa Estados Unidos.
Ganito ang paglalarawan ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa inilabas na joint statement ng pamahalaang Amerika at Pilipinas sa gitna ng ikatlong US-Philippines 2+2 Ministerial Dialogue.
Base aniya sa joint statement ng dalawang bansa, magbibigay ang Amerika ng $100 million o P5.4 billion bago matapos ang taon para sa infrastructure investment sa limang dating Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites at para sa operasyon ng bagong apat na EDCA sites.
Ang nasabing dialogue na ginanap sa Washington, D.C., noong April 11, taong ito ay pinangunahan nina Secretary of State Antony Blinken, Secretary of Defense Lloyd Austin, Secretary of Foreign Affairs Enrique Manalo at Senior Undersecretary at Officer in Charge (OIC) ng National Defense na si Carlito Galvez.
Para sa mambabatas, harap-harapang pagbebenta ito ni Marcos sa Amerika kaya agresibo ngayon ang nasabing bansa na palawakin at paramihin pa ang kanilang base militar sa bansa.
“The United States’ aggressive military expansion in the key areas in the Philippines, which are strategically located near the West Philippine Sea, is a national threat as it aims to provoke war with China. Mga ordinaryong Pilipino ang magbabalikat ng mga epekto ng Balikatan Exercises na ito,” ani Brosas.
Bukod dito, nagiging ‘puppet’ na rin aniya ng Amerika ang Marcos administration dahil sunod-sunuran na ito sa nasabing bansa sa posisyon ng una sa mga isyu sa Taiwan, Democratic People’s Republic of Korea, at Ukraine kung ang joint statement pa rin ang pagbabasehan.
Nangangahulugan din aniya ito na inilalagay ni Marcos ang buong bansa sa panganib lalo na’t mahaba ang record ng Amerika pagdating sa madugong giyera sa iba’t ibang panig ng mundo.
“This treasonous alliance will have a lasting impact on the Filipino people, especially with the United States’ record in leading the bloodiest wars in the 21st century against countries such as Vietnam, Afghanistan, Iraq, Pakistan, Libya, Syria, and Nigeria. We also cannot deny the huge role of the U.S. in triggering the war in Ukraine,” ayon pa sa lady solon.
“As the Philippines and the U.S. prepares for civil nuclear deal negotiations amid rising tensions in China, the Filipino people will bear the brunt of its lasting effects,” dagdag pa nito.
133