SPECIAL POWER NG KAMARA TINABLA NI PBBM

(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

WALANG nakikitang dahilan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para hiritan ang Kongreso ng special powers para tugunan ang inflation.

Kumpiyansang sinabi nito na sinimulan na ng kanyang administrasyon ang interbensyon para pagaanin ang nakapanghihinang epekto ng inflation.

Sa isang chance interview sa Pangulo matapos ang paglulunsad ng Hapag Kay PBBM (HAlina’t Magtanim ng Prutas At Gulay sa Barangay Project/ Kadiwa Ay Yaman/ Plants for Bountiful

Barangays Movement) sa Open Air Auditorium sa Rizal Park, Manila, sinabi nito na “I do not think that it is necessary to ask for special powers. If we declare, for example, if we can declare… I have already the power to declare an emergency and to control the prices of commodities. So I don’t think there is any need for more than that, that is sufficient.”

Nauna namang nagpahayag ng kumpiyansa ang Pangulo na sa kalaunan ay bababa ang inflation rate partikular na sa presyo ng langis at imported agricultural products sa kabila ng tumaas ang inflation ng 8.7% nito lamang Enero 2023.

Dahil dito, pinaigting ng pamahalaan ang pagsisikap nito na pagaanin ang epekto ng inflation, ayon sa Pangulo.

Tinukoy ng Punong Ehekutibo ang paglulunsad ng urban agriculture initiatives sa barangay level.

“The other elements of inflation hindi natin masyadong ma-control, kaya mayroon tayong ginagawang ganito para makabawi naman doon sa pagtaas ng presyo,” ayon sa Chief Executive.

Samantala, sinabi naman ng National Economic and Development Authority (NEDA) na kinilala na ng administrasyon ang mga hakbang para mapanatiling “consistent” ang galaw ng presyo ng mga pagkain sa inflation at food security objectives, na may mataas na “agricultural productivity, food supply augmentation at energy security” na nakikitang prayoridad para pakalmahin ang tumaas na “uprice pressures.”

Nauna rito, isinulong ng mga kongresistang kaalyado ng administrasyon, ang pagbibigay ng special power na tanging kailangan anila ng Pangulo para mabigyan-solusyon ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin na kaakibat ng paglobo ng inflation rate sa bansa.

Panawagan ni House Committee on Ways and Means chairman Rep. Joey Salceda sa mga kapwa kongresista, suportahan ang House Bill 2227 (Bangon Bayan Muli Act) na kanyang inihain sa plenaryo ng Kamara noong nakalipas taon, sa hangarin pabilisin ang aksyon kontra sa inflation rate.

Sa pagtataya ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Felipe Medalla, maglalaro sa 8.5 hanggang 9.3% ang inflation rate para sa buwan ng Pebrero – higit na mataas kumpara sa 8.7% na naitala noong Enero.

“I stand by my bill granting special powers for the President to curtail inflation. This has long been my call — and it is especially more urgent now that the causes of inflation are more evidently structural,” ani Salceda.

Paniwala ni Salceda, matutugunan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. gamit ang special power ang kabi-kabilang pagtaas sa presyo at maging sa aspeto ng supply ng produktong petrolyo at mga pangunahing pangangailangan sa mga pamilihan.

Bukod sa kapangyarihan kumastigo sa mga mapagsamantalang negosyante, kalakip din ng isinusulong na panukala ni Salceda ang insentibo para naman sa sektor ng agrikultura.

Magkakaroon din ng kapangyarihan ang Pangulo na magbigay ng loan at government guarantee sa mga supplier ng mga produkto at ang tinatawag na anti-price gouging power.

Bibigyan din si Marcos ng transport emergency power para maresolba ang problema sa transportasyon, at gamitin ang uniformed personnels tulad ng sundalo para mapabilis ang priority infrastructure projects ng pamahalaan.

188

Related posts

Leave a Comment