ITINUTULAK ng pamahalaan ang urban farming bilang bahagi ng pagsisikap nito na tugunan ang tumataas na presyo ng pagkain at kasalatan sa suplay.
Ang “Hapag Kay PBBM,” inilunsad ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Agriculture (DA) sa Rizal Park, Manila ay hinikayat ang urban barangay at sambahayan na maglaan ng “small patches” ng lupain para pagtaniman ng mga prutas at gulay.
“Ang ginagawa natin dahil nagkakaproblema tayo sa bilihin at tumataas ang presyo ay sinasabi natin, bakit hindi ang ating mga kababayan ay sila na ang magtanim,” ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang talumpati.
“Mayroon sila doon sa mga gilid-gilid ng kanilang mga tinitirahan ay magtanim sila ng gulay, maglagay sila ng prutas at mayroon pang ibang kasamang project galing naman DILG na barangay-based,” dagdag na wika nito.
Ang programa ay sanib-puwersa ng “Green Revolution 2.0: Plants for Bountiful Barangays” program ng Department of Agriculture at “Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay” project ng DILG.
Layon nito na itaas ang local production ng prutas at gulay.
Sinabi pa ng Pangulo na ang mga barangay ang siyang tutukoy ng mga lugar kung saan maaaring magtanim ang mga residente.
“Lahat sila magshe-share sila ngayon doon, paghahati-hatian nila ang mga aanihin nilang gulay at saka prutas para ulit ay mayroon tayo, may suporta ang pamahalaan diyan at bibigyan natin sila ng mga inputs, at kung kailangan turuan, gagawin din natin ‘yun,” ayon sa Pangulo.
Nagpahayag din ng kumpiyansa ang Pangulo na ang urban farming program ay makapagpapataas ng kapasidad ng bansa ” to address poverty, ensure food security, and protect the environment even at the barangay level.”
Samantala, pinangunahan naman ni Pangulong Marcos ang pagbubukas ng panibagong Kadiwa market sa Rizal Park.
“Noong natapos na ‘yung Pasko, sabi ng mga iba ipagpatuloy daw namin. Kaya’t ginawa na naming Kadiwa ng Pangulo at pinaparami natin ito sa buong Pilipinas. Hindi lang po rito kung hindi siguro halos 500 na lugar ang ating natayuan ng Kadiwa,” ani Pangulong Marcos.
“Kaya’t itong pinagsama-sama natin ‘yung ating tinatawag na whole-of-government approach para sa lahat ng problema,” dagdag na wika nito.
Binisita rin ng Pangulo ang bagong inilunsad na “Kadiwa ng Pangulo” stall sa Sto. Tomas, Batangas.
Nagbitbit naman ang National Food Authority (NFA), DA, DTI at local government units ng 35 sellers na nagpartisipa sa programa, nitong Miyerkoles.
Sa naging talumpati ng Pangulo sa Batangas, binigyang diin nito ang mahalagang papel ng proyekto para tulungan ang mga magsasaka at mangingisda na magkaroon ng direct access sa consumer market. (CHRISTIAN DALE)
