US TRIP NI PBBM MAGBUBUNGA NG $4-B INVESTMENT PLEDGES

(CHRISTIAN DALE)

POSIBLENG pumasok sa Pilipinas ang halos $4 bilyong halaga ng investment at daan-daan libong trabaho matapos ang 6-day working visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Estados Unidos.

Sa isang kalatas, sinabi ng Malakanyang na ang business agreements at commitments na nasungkit ng Pangulo sa Estados Unidos ay tinatantiyang may investment value na $3.9 billion at potential employment generation na 112,285 trabaho.

Ang $4 bilyong dolyar na potential investment ay magmumula sa Information Technology and Business Process Management (IT-BPM), data centers, at manufacturing.

Paglilinaw naman ng Malakanyang, ang nasabing estimate o pagtantiya ay hindi naman sumasalamin sa ‘full potential’ ng future investments mula sa ilang kompanya na nakapulong ni Pangulong Marcos sa New York.

Bagamat marami aniyang mga kompanya na nagpahayag na ng interes na mamuhunan, kailangan pa rin ayon sa Malakanyang na maselyuhan ang investment pledges.

Samantala, nakahanda rin si Pangulong Marcos Jr. na baguhin ang ilang regulasyong ipinatutupad hinggil sa pagnenegosyo para sa kapakanan ng mga mamumuhunan.

Inihayag ito ni Pangulong Marcos sa gitna ng panghihikayat sa investors na mamuhunan sa Pilipinas.

Tiniyak ng Punong Ehekutibo na handang padaliin ng Pilipinas ang pagpoproseso sa mga rekisitos na itinatakda sa pagnenegosyo sa bansa katulad ng documentation at ilang procedures.

Kabilang na rin aniya ang istraktura at maging sa aspeto ng lehislatura ay nakahanda ang gobyerno na magsagawa ng pagbabago para sa kapakanan ng mga negosyanteng gustong mag-invest sa bansa.

Batid naman aniya niya ang pangangailangan ng potential investors at gagawin aniya ng pamahalaan ang lahat para sa posibleng partnership ng pamahalaan at ng mga nasa pribadong sektor sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP).

“The simple message that underlay all that we did was that the Philippines is here, we are a good place to invest, we are probably the most vibrant economy in Southeast Asia,” ayon sa Pangulo.

“and we understand the requirements and the needs of our potential investors, and we will do everything so that that partnership becomes to the advantage of both the private sector, the public sector, and the people,” wika pa nito.

94

Related posts

Leave a Comment