WAGE HIKE DEDMA SA MARCOS ADMIN

SA gitna ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin sa merkado, nananatiling bulag, pipi at bingi si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mahugong na panawagan para sa dagdag-sahod na hirit ng mga manggagawang Pilipino.

Para sa militanteng Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas, inaamag na ang mga panukalang batas na inihain sa Kongreso para sa ‘across-the-board legislated wage hike.

“Sa tindi ng kinakaharap na krisis ng ordinaryong mamamayan, hindi tamang manatiling bulag, pipi at bingi ang gobyerno sa kanilang panawagan para sa dagdag-sahod,” ani Brosas.

Ayon sa mambabatas, lalo pang lumalala ang sitwasyon ng mga obrerong di pa halos makagulapay sa dagok na dulot ng pandemya.

Sa kabiguan aniya ng administrasyong Marcos na pigilan ang paglobo ng presyo ng mga bilihin, mas lumiliit ang halaga ng buwanang sahod na tinatanggap ng mga manggagawang Pilipino.

Noong Pebrero aniya, umabot sa 8.6% ang inflation rate at hindi pa man aniya ito naibababa ay susundan na ito ng pagtaas ng presyo ng bigas na aabot sa P5 kada kilo.

Bukod sa pagkain, tumaas din aniya sa P11.4348 ang presyo ng kada kilowatt hour (kWh) ng kuryente mula sa P10.8895 per kWh noong Pebrero.

Apela ni Brosas sa ngalan ng sektor ng manggagawa, dagdag sahod na dedma naman aniya sa administrasyong Marcos.

Paniwala ni militanteng kongresista, kung gugustuhin ni Marcos, uubra naman aniyang sertipikahang ‘urgent’ ang panukalang batas na nagsusulong ng ‘across-the-board legislated wage hike.

Bukod sa P750 across-the-board wage increase na isinusulong ng Makabayan bloc, naghain din ng hiwalay ng panukala si TUCP partylist Rep. Raymond Democrito Mendoza ng P150 na umento sa sahod ng lahat ng manggagawa sa buong bansa.

“President Marcos Jr. is quick to hype any news of growth but refuses to address the woes of the working class. We urge the government to take concrete steps and certify the wage hike bills as urgent.” (BERNARD TAGUINOD)

255

Related posts

Leave a Comment