Walang day-off kahit birthday pa PBBM TULOY TRABAHO PARA SA BAYAN

SERYOSO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tuparin ang kanyang mga pangako lalo na ang layuning mapabuti ang kalagayan ng mamamayang Pilipino at ng bansang Pilipinas.

Sa katunayan, sa kabila ng pagdiriwang ngayong araw ng kanyang ika-65 kaarawan, tuloy ang kanyang trabaho sa loob at labas ng Malakanyang.

Kahapon, walang maibigay na impormasyon si Press Secretary Trixie Cruz-Angeles kung paano ipagdiriwang ng Pangulo ang kanyang kaarawan.

“However we can safely assume that the President is going to mark it. Remember it. It’s like okay when I have a birthday yehey happy birthday to me. Sometimes we have cake. How it’s going to be celebrated we’ll be a matter to announce at a later date,” ayon kay Cruz-Angeles.

May event ding dadaluhan ang Pangulo sa San Mateo, Rizal.

Tinaguriang “Tigre ng Norte” ng kanyang mga tagasuporta noong kampanya, ipinararamdam at ipinakikita ngayon ni Pangulong Marcos ang kanyang sigasig na matupad ang lahat ng kanyang mga ipinangako sa taumbayan bilang ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas na kanyang inihayag sa kanyang kauna-unahang State Of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 25, 2022.

Para sa Pangulo, ang panunumpa niya bilang ika-17 Pangulo ng bansa noong Hunyo 30, 2022 sa harap ni harap ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo ay simbolo ng katapatan sa sambayanang Pilipino.

Kaya’t ang panawagan niya ay samahan siyang tuparin ang mga pangarap para sa bansang Pilipinas.

Unang isinulong ng Pangulo ang seguridad sa pagkain na aniya ay isang usaping kinakailangang agad matugunan.

Naniniwala kasi ang Pangulo na sa produksyon at pagparami ng ani, pagkumpleto sa value chain at paglikha ng mga pangmatagalang solusyon ay maibabangon niya ang agrikultura.

Habang masusi at maingat ang ginagawa niyang pagpili sa susunod na magiging kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan, tinipon niya ang mga taga- DOH, IATF, at PhilHealth upang matiyak na ang pagbabakuna at booster shots ay tuloy-tuloy at lalong inilalapit sa taumbayan.

Bukod sa usaping bakuna, sa pandaigdigang krisis ng pagtaas ng presyo ng langis, masusing tinalakay ng Punong Ehekutibo sa Energy Department ang kanyang mga susunod na hakbang at ang magiging direksyon.

Sa usapin naman ng pagbabalik ng face-to-face classes at pagpapalawig ng Booster Campaign Rollout, inilatag niya ang mga prayoridad ng gobyerno sa mga gobernador at city mayors.

Virtual man ang pagpaparating ng kanyang mensahe, siguradong malinaw at detalyado ang mga planong inihayag nina Vice President Sara Duterte, DILG Sec. Benhur Abalos, at Undersecretary Rosario Vergeire ng DOH.

Sa kanyang unang linggo bilang Ama ng Pilipinas, sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na kampante siya na ang pinagsama-samang galing at husay ng Pilipino ay higit at sapat para magtagumpay ang lahat. Ito ayon sa kanya ay habang nilalatag ang mga plano at minamarkahan ang mga dapat marating sa susunod na buwan.

At kahit pa naka-isolate dahil muling tinamaan ng COVID-19 ay patuloy sa pagdaraos ng pagpupulong at iba pang tungkulin sa pamamagitan ng internet ang Pangulo.

Sa kanyang pagpupulong naman kasama si NEDA Director-General Arsenio Balisacan, tinalakay kung paano mapabibilis ang pag-imprenta at distribusyon ng National ID cards upang magamit simula sa unang bahagi ng 2023.

Kasama sa mga prayoridad ng Pangulo para sa agrikultura ang pagpapatibay ng programang “farm-to-market road” at pagsusulong ng mga proyektong makatutulong sa mga kababayan sa sektor ng agrikultura.

Buena manong Sakuna

Hulyo 27, 2022 nang masampolan si Pangulong Marcos ng sakuna bilang lider ng bansa. Ito’y nang tumama ang magnitude 7.3 lindol sa lalawigan ng Abra.

Sa kabila ng nakalulungkot na mga ulat tungkol sa pinsalang dulot ng lindol, tiniyak ng Punong Ehekutibo ang maagap na pagtugon sa mga pangangailangan ng mga kababayang apektado.

Halaga ng Bakuna

Nagsama naman ang mag-amang Pangulong Marcos at Congressman Sandro noong Agosto 17 para sa pagpapa-booster sa paglulunsad ng PinasLakas campaign. Nakilahok ang mag-amang Marcos sa vaccine drive ng DOH upang maengganyo ang publiko na magpabakuna.

Foreign trips

Sa kanyang unang state visit, nagtungo ang Pangulo sa Indonesia at Singapore nitong Setyembre 4 hanggang 7.

Sa nasabing pagbisita, iniulat ng Pangulo ang bilyong-bilyong pledges ng dalawang bansa na magbebenepisyo sa mga Pilipino.

Sa Singapore, USD 6.54 billion o higit P374.57 billion na halaga foreign direct investments ang ipinangako nila kay PBBM at 15,000 trabaho ang mabibigay nito sa mga Pinoy.

Samantala sa Indonesia, $8.48-B naman na halaga ng investment pledges mula sa mga negosyante sa sektor ng fertilizer at coal.

Bukod sa mga sektor na iyan, may investors din mula sa textile, garments, renewable energy at iba pa. (Ni CHRISTIAN DALE – Saksi Ngayon news correspondent)

85

Related posts

Leave a Comment