Pinabulaanan ni Bureau of Customs Commissioner (BOC) Ariel Nepomuceno ang mga bali-balitang si dating Marine Master Sergeant Orly Guteza ay isa sa kanyang ‘close-in security’ at empleyado ng BOC.
“Hindi siya close-in, wala siya sa payroll,” ika ni Nepomuceno matapos siyang tanungin ng isang reporter ukol sa kanilang ugnayan. Ngunit, sinabi rin ni Nepomuceno na kilala niya si Guteza dahil ito raw ay kaibigan ng isa sa kanyang security staff.
Kaya nga nagulat din si Nepomuceno noong makita niya si Guteza na pineresenta bilang witness sa hearing ng Blue Ribbon Committee sa Senado kamakailan.
Ayon sa mga iba pang source na malapit kay Nepomuceno (na tumangging ilahad ang kanilang pangalan), sila rin ay nagulat noong sinabi ni Commissioner na hindi raw isa sa mga security staff si Guteza.
“Akala talaga namin na kasama siya [Guteza] sa close-in security,” sabi ng isa sa mga source. Kaya lalo raw silang nagtataka ngayun, kung hindi pala siya kasama sa security, ay bakit madalas nilang makitang magkasama sina Guteza at Nepomuceno?
Matatandaang si Guteza ang ‘surprise witness’ na dinala ni Senador Rodante Marcoleta sa Blue Ribbon Committee upang tumestigo sa iskandalo ng mga ma-anomalyang flood control at infrastructure project.
Dinawit ni Guteza sa iskandalo ang dating House Speaker na si Leyte 1st District Congressman Martin Romualdez. Sinabi niyang siya raw ay security staff ni dating Ako Bicol Party-List Congressman Zaldy Co, at siya raw ay natokang maghatid ng mga bagahe ng pera sa isa sa mga bahay ni Romualdez.
Matapos ang kanyang pagtestigo sa Senado, inimbitahan si Guteza ng National Bureau of Investigation (NBI) upang maglahad pa ng ibang detalye sa kanyang talumpati. Ngunit, hanggang ngayon ay hindi pa rin siya dumudulog sa NBI.
131
