MATAPOS simulan ng House Committee on Ethics and Privileges ang pagdinig sa reklamo laban sa kanya, niresbakan agad ni Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga ang chairman ng komite na si 4Ps party-list Rep. Jonathan Clemente (JC) Abalos.
Sa isang social media post, ibinunyag ni Barzaga na ang reklamo ay inihain laban sa kanya ng mga miyembro ng National Unity Party (NUP) sa pangunguna ni Antipolo Rep. Ronaldo Puno.
“I still stand with a firm belief that my actions against the corrupt Marcos administration are righteous, and that our country will immensely benefit from his removal,” ani Barzaga.
Giit ng kongresista, wala siyang kinalaman sa maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kasalukuyang iniimbestigahan ng Kamara.
Sa halip, itinuro ni Barzaga si Abalos mismo bilang umano’y sangkot sa anomalya.
“Chairman Abalos, on the other hand, has plenty of involvement in the 2024 flood control budget anomalies.”
Dagdag pa ni Barzaga, dapat ding imbestigahan ang pamilya Abalos, dahil umano’y naganap ang malawakang korapsyon sa lokal na DPWH projects noong hawak pa ng tiyuhin ni Abalos na si Benhur Abalos ang Department of the Interior and Local Government (DILG).
“I call for an investigation on the possible corruption of the Abalos family.”
Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Abalos kaugnay sa matitinding akusasyon ni Barzaga.
Hindi rin pinalampas ni Barzaga ang panawagan ni Abalos na dapat ay kasuhan ang mga “ghost projects” at kapabayaan ng ilang kongresista.
“Tama ka! Kasuhan na rin natin ‘yung asawa at anak ni (Leyte Rep.) Martin Romualdez na hindi pumapasok pero laging present sa roll call!” ani Barzaga, na tinutukoy sina Tingog party-list Reps. Yedda Marie at Andrew Julian Romualdez.
Sa ngayon, nananatiling tahimik ang kampo ni Abalos at ng NUP hinggil sa mga paratang ni “Congmeow” Barzaga — na tila handang ilantad ang lahat sa gitna ng lumalalim na sigalot sa Kongreso.
(BERNARD TAGUINOD)
98
