(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
AGAD nilinaw ng kampo ni dating Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves na walang katotohanan ang unang iniulat na muli itong inaresto matapos palayain ng korte sa Timor Leste.
Masasabing ‘fake news’ ang nasabing ulat matapos linawin ng abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio na inilagay sa court custody ang dating mambabatas upang matiyak ang kanyang pagdalo sa extradition hearings.
Nitong Biyernes umano ang huling extradition hearing ni Teves na dumalo sa korte kasama ang kanyang East Timorese legal team na kinabibilangan nina Dr. Jose Pedro Sousa at Dr. Jose Ximenes.
Bago ito ay pinalaya ng korte si Teves dahil umano sa pagkakamali ng gobyerno ng Pilipinas sa extradition na hiling nito.
Ayon pa kay Topacio, nasa holding area lang si Teves at wala sa piitan dahil hindi ito inaresto dahil sa umano’y nagawa nitong mga krimen sa Pilipinas.
Isiniwalat din ni Atty. Topacio na pinalaya ang dating mambabatas para sa considerable amount of time bago ito ibalik sa kustodiya.
Kabilang umano sa mga testigo para kay Teves bukod kay Topacio, sina dating Human Rights Commissioner Wilhelm Soriano at dating presidential spokesperson Salvador Panelo sa Court of Appeals (CA) ng Timor-Leste kung saan didinggin ang extradition case ni Teves.
Inaasahan naman na mailalabas ang desisyon sa kaso bago o sa mismong Hunyo 20, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Nauna nang itinanggi ni Teves ang mga kasong isinampa laban sa kanya.
341