FIRST LADY LIZA MARCOS, MAGHO-HOST NG GLOBAL COALITION PARA SA KAPAKANAN AT KALIGTASAN NG MGA BATA

MAGHO-HOST si First Lady Marie Louise “Liza” Araneta-Marcos ng pagtitipon ng “Fostering the Future Together” Global Coalition sa Maynila sa Nobyembre 16, 2026, kasabay ng pagdaraos ng 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Inihayag ang pagho-host ng Unang Ginang matapos siyang dumalo sa luncheon ng nasabing koalisyon na pinangunahan ni US First Lady Melania Trump noong Setyembre 22, 2026, sa New York, sa sidelines ng 81st United Nations General Assembly.

Sa naturang pagtitipon, pinasalamatan ni Melania Trump ang pangako ng Pilipinas na magsagawa ng katulad na aktibidad sa Maynila kasabay ng ASEAN Summit.

Ang “Fostering the Future Together” ay isang pandaigdigang koalisyon na inilunsad ni Melania Trump na naglalayong palawakin ang access ng mga bata sa edukasyon at teknolohiya, gayundin ang pagsusulong ng digital literacy at online safety.

Ayon kay US Special Envoy for Best Future Generations Charity Wallace, kabilang sa mga tatalakayin sa pagtitipon sa Maynila ang mga hakbang upang maprotektahan ang mga bata laban sa panganib sa internet at mapalawak ang kanilang kaalaman sa digital world.

Tatalakayin din ang mga programang makatutulong sa mga kabataang naninirahan sa malalayong komunidad at mga batang nahinto sa pag-aaral dahil sa malulubhang karamdaman.

Binubuo ang koalisyon ng halos 60 bansa at mahigit 30 katuwang mula sa pribadong sektor, kabilang ang Google, Adobe, Intel, Amazon, Starlink at Zoom, na layuning palakasin ang pangmatagalang ugnayan ng mga pamahalaan at kumpanya ng teknolohiya.

Bilang paghahanda, nakipagpulong na si Araneta-Marcos sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at sa Child Protection Network noong Oktubre upang bumuo ng balangkas na magtitiyak sa ligtas na paggamit ng teknolohiya ng mga kabataang Pilipino.

(JESSE RUIZ)

149

Related posts

Leave a Comment