(NI ROSE PULGAR)
NAGPATUPAD ng katiting na pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kumpanya ng langis sa bansa ngayon araw, (Oktubre 29).
Sa inilabas na anunsyo ng Pilipinas Shell, nasa P0.45 kada litro sa gasolina, P0.10 sentimos kada litro naman sa diesel at wala namang paggalaw sa presyo ng kerosene na epektibo ngayon alas-6:00 ng umaga.
Hindi naman nagpahuli ang PTT Philippines, Petro Gazz na nagpapatupad din ng kaparehong bawas-presyo sa kanyang diesel at gasolina ngayong araw.
Nabatid na unang nag-rollback ang Clean Fuel ng P0.60 sentimos sa gasolina at P0.20 sentimos sa diesel, nitong Linggo ng alas-4:01 ng hapon.
Aasahan na ang pagsunod ng ibang kumpanya ng langis tulad ng Petron Corporation, Total at iba pang kumpanya ng langis kahit hindi pa naglalabas ng abiso ang mga ito.
Ang bagong price rollback sa mga produktong petrolyo ay bunsod ng pagbaba ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Matatandaan nito lamang nakaraang linggo ay nagpatupad ng bawas-presyo sa mga produktong petrolyo na P0.25 sa kada litro ng gasolina, P0.10 sa kada litro ng diesel at P0.25 sa kada litro ng kerosene.
205