MAAARING kumonsulta ang mga taong may problemang legal sa Lakbay Hustisya Foundation ni Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles sa pamamagitan ng online.
“Nais po nating ipagbigay-alam na kasama si Atty. Gio Bautista ng programang Gio Need a Lawyer, available na ang Lakbay Hustisya Foundation para sa mga kababayan nating may nais ikonsulta na isyung legal,” ayon kay Nograles.
Ang Lakbay Hustisya Foundation, isang legal aid trust fund, ay itinatag ng Harvard-trained lawyer na si Nograles na ang unang adbokasiya ay bigyan ng libreng legal consultation ang mahihirap na mga bilanggo.
Sa pakikipagtulungan sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), nagkaroon ng e-dalaw program sa mga bilangguan sa bansa dahil sa computer donations ng Lakbay Hustisya na nagamit ng mga Person Deprived with Liberty (PDLs) para makausap ang kanilang mga mahal sa buhay sa online at nagamit din ang mga ito sa kanilang online hearing sa kanilang mga kaso.
Ayon kay Nograles, nagpasya ang mga ito na palawigin ang serbisyo ng Lakbay Hustisya Foundation dahil sa problema ng maraming tao kasama ang kanyang mga constituent sa ikalawang distrito ng Rizal, na nahihirapang makakuha ng abogado dahil may kamahalan ang serbisyo ng mga ito.
“Marami-rami po ang mga dumudulog sa social media para ikonsulta ang mga problema nila. Naisip namin, potential learning experience na rin ito para sa mas marami pa nating kababayan, lalo pa sa mas malawak na reach ng social media,” ani Nograles.
Dahil dito, umapela ang mambabatas sa mga mamamayan na may legal na problema na samantalahin ang libre at online service ng Lakbay Hustiya upang maresolba ang kanilang problema at hindi na kailangang gumastos ang mga ito at bumiyahe lalo na ngayong umiiral pa rin ang community quarantine dahil sa pandemya sa COVID-19.
“Many of the legal issues faced by our kababayans are exacerbated by their hesitation to seek the help of lawyers because of the costs involved. The existence of free legal clinics will hopefully help bridge the gap and allow greater access to legal services,” ayon sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
437
