HINILING ni Senador Win Gatchalian sa wholesale bandwidth providers na mamuhunan sa probinsiya at palakasin ang internet connection para sa distance learning ng mga estudyante.
Sinabi ni Gatchalian, umaabot lamang sa 2 megabits per second (Mbps) hanggang 20 Mbps ang internet service ng telecommunications companies sa mga probinsya.”Sadyang napakabagal nito, samantalang ang minimum speed para sa video streaming ay nasa 3 Mbps,” giit ni Gatchalian.
Hindi ito sapat para kayanin ang video streaming ng mga guro, bagay na ikinabahala ni Gatchalian lalo pa’t dito nakadepende ang 28 milyong estudyanteng magsisimula sa online learning Oktubre 5.”Sa pagbubukas ng mga eskuwelahan, may 24.5 milyon na kinder hanggang senior high school at 3.4 milyon na nasa tertiary level na nakadepende sa internet connectivity, maitawid lamang ang kanilang mga aralin.
At kung sabay-sabay na silang mag-online o kapag inabot na ang peak hours, magkakaroon ng internet congestion at mas babagal pa ang internet connection,” pagdidiin ni Gatchalian.
“Sa ganitong sitwasyon, ang nakikita nating solusyon ay kumuha ng bultuhang bandwidth ang maliliit na telcos sa service providers para sa mas maayos na internet service dahil makakapag-engganyo ito ng kompetisyon sa industriya at malaki ang posibilidad na bumaba ang presyo sa merkado,” dagdag pa ng senador.
Aminado si Gatchalian na hindi agaran ang solusyon sa problema lalo na at may malaking kakulangan sa aspeto ng imprastraktura at mabibilang lamang ang mga lalawigan na may cell sites.
Sa kasalukuyan, ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), kulang pa ng 50,000 cell towers ang bansa para masiguro ang mas maayos na internet connection.
Sa ngayon, lumalabas na may higit 17,000 lamang na cell towers sa bansa.
Ani Gatchalian, matutugunan ang problemang ito ng Bayanihan to Recover as One Act or Bayanihan 2 na nagsususpinde sa loob ng tatlong taon sa karamihan sa mga ahensya sa gobyerno at lokal na pamahalaan na humihingi ng sangkaterbang permits para sa mga nag-a-apply na magpatayo ng cell towers.
“Walang hindi makikinabang kung bibilis na ang internet connectivity dito sa atin. Mula bata, na ngayon ay nakadepende na sa distance learning, hanggang sa pinakasimpleng pangangailangan natin – food deliveries, bills payment at kung ano-ano pa – lahat pwede mo nang magawa online. Sana samantalahin ng mga telcos ang pagkakataon na binibigay sa kanila ng batas,” aniya pa. (ESTONG REYES)
135
