PINAALALAHANAN ng Department of Health (DOH) ang publiko na doblehin ang pag-iingat laban sa COVID-19 kasabay ng pagluwag ng physical distancing sa mga pampublikong transportasyon.
Hinikayat ng ahensya ang mamamayan na huwag kalimutan ang ibayong pag-iingat sa mga sitwasyong hindi magagawa ang physical distancing.
Kung maaari, pumili o sumama sa mga aktibidad o gumamit ng transport options na mayroong nasa isang metrong distansya.
Sa ilalim ng guidelines ng World Health Organization (WHO), inirerekomenda ang 1-meter distance para mapigilan ang posibleng COVID-19 transmission.
Maging ang DOH ay paulit-ulit na pinapaalala ang nasa 1-metro pagitan sa ilalim ng “BIDA Solusyon” campaign.
Nitong Lunes, Sept. 14 ay ipinatupad na ang pagbabawas ng physical distancing o pagpapaikli ng sukat ng distansya sa pagitan ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan.
Layunin ng Department of Transportation na mas maparami ang commuters na makasakay lalo na sa rush hour kaya mula sa isang metro, binabaan na sa 0.75 meter na lang ang distansya sa pagitan ng mga pasahero base sa inaprubahang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Dahil dito, sa MRT-3 aabot na sa 204 na commuters ang maisasakay ng isang train set mula sa dating 153 na pasahero.
Nitong weekend, binago rin ng MRT-3 ang physical distancing markers sa loob ng mga tren.
Handa na rin itong ipatupad sa iba pang railway systems gaya ng LRT-1 at LRT2.
Mahigpit pa rin ang pagpapatupad ng health and safety protocols sa lahat ng PUVs tulad ng pagsusuot ng face shield at face mask.
Sa mga tren ng MRT at LRT ay bawal ang pagsasalita at pagsagot ng tawag sa anomang digital device.
Subalit kung ang co-chair person ng National Task Force against COVID-19 na si DILG Sec. Eduardo Año ang tatanungin, mas pabor pa rin siya na manatili ang 1-meter physical distancing measure sa public transport.
Kaugnay nito, kahit pinaboran ng Inter-Agency Task Force on the COVID-19 pandemic ang panukala ng DOTr ay maghahain pa rin ng kanilang apela ang mga nasa health sector ngayong Martes.
“Personally, I’d like to abide by the 1 meter standard, if we can actually provide more transport to our people rather than reducing the distance,” ani DILG Sec Erduardo Año.
“That is subject to further discussion especially because the health sector is going to present their argument tomorrow,” pahayag pa ni Sec Año.
The reduction of physical distancing between passengers is “problematic,” pahayag naman ng isang dalubhasa.
Ayon kay infectious disease specialist Dr. Edsel Salvana: “Case isolation, contact tracing, and physical distancing are pillars of COVID-19 pandemic control, not optional choices.” (DAVE MEDINA/JESSE KABEL)
282
