(Ni BOY ANACTA)
MULI na namang nakaiskor ang mga tauhan ng Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF), sa pamumuno ni Bureau of Customs Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero, makaraang makumpiska ang tinatayang isang kilo ng hinihinalang shabu sa Makati City.
Kinilala ang suspek na si Edison Chua, ng Makati Sports Bar, sa 5456 Doña Carmen, Makati City, na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Base sa ulat ng CAIDTF, nasabat ng mga tauhan ng BOC ang isang parcel na bumagsak sa warehouse ng FedEx sa Ninoy Aquino International Airport na ipinadala ng isang Sam Khanna, ng 8838 Dugas Road, San Antonio, USA.
Nang ipadaan sa x-ray scanning, lumabas na ang parcel ay naglalaman ng puting pulbos at nang isailalim sa pagsusuri ng chemist ay lumabas na positibong methamphetamine hydrochloride o kilala sa tawag na shabu.
Naunang sinuri ni James Caringal, Customs examiner, ang mga parcel na natanggap ng FedEx at nakumpiska ang isang kilo ng methamphetamine hydrochloride kung kaya’t isinagawa ang operasyon laban kay Chua na naaresto kasama ang isa pang suspek na si Brian James Bantequi.
233