2 CLAIMANT HULI SA P4.2M DROGA

boc droga

Ni JOEL O. AMONGO

HINDI na nakapalag ang isang negosyante matapos dakpin ng mga operatiba sa aktong pagtanggap ng P3.7-milyong halaga ng high grade marijuana mula sa bansang Canada.

Sa kalatas ng Bureau of Customs – Port of Clark (BOC-Clark), arestado sa joint controlled delivery operation ang nakatalang consignee na kinilalang si Federico Cesar Flores-Luna alias Nestor Bustamante, 32-anyos at nakatira sa Opal Bldg. Crown Peak Gardens, Subic Bay Freeport Zone.

Ayon sa BOC-Clark, Pebrero 19 nang mabisto gamit ang makabagong X-ray scanners ng mga alistong kawani ng naturang distrito ang kontrabandong idineklarang kurtina at bulak mula sa Quebec, Canada batay na rin sa timbre ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa isinagawang imbentaryo kasabay ng pagsusuri sa bulilyasong kargamento, tumimbang sa halos dalawa’t kalahating kilo ang primera-klaseng ‘kush’ na nakabalot sa limang sisidlan.

Dito na ikinasa ang joint controlled delivery operation sa pagitan ng BOC-Clark at PDEA, katuwang ang Clark Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, at BOC-Port of Subic.

Timbog din sa entrapment operation ang 63-anyos na si Abner Bautista ng Barangay Sta. Lucia sa bayan ng Masantol sa lalawigan ng Pampanga.

Sa imbestigasyon, dina­kip si Bautista matapos tanggapin ang nasa P345,000-halaga ng imported na shabu na lumapag sa bansa noong Pebrero 18 mula sa Estados Unidos.

Sa bukod na pahayag, nagbabala si Customs Commissioner Bienvenido Rubio sa mga sindikato sa likod ng pagpupuslit ng droga sa bansa. Aniya, may kalalagyan sa ‘bagong kawanihan’ ang sinomang magpipilit magpalusot ng anomang uri ng ipinagbabawal na gamot sa mga pinangangasiwaang pantalan at paliparan.

81

Related posts

Leave a Comment