2 DAKIP SA YOSI SMUGGLING

ZAMBOANGA CITY – Arestado sa pinagsanib na operasyon ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine National Police (PNP) ang dalawa kataong nagtangkang magpuslit ng hindi
bababa sa P7.5 milyong halaga ng mga sigarilyong ibinagsak sa Sulu mula sa bansang Malaysia.

Ayon sa mga operatiba, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa paparating na bangkang de motor na kargado ng mga iligal na kargamento. Agad na ikinasa ang operasyon sa karagatang sakop ng Barangay Sinunuc kung saan nadakip sina Nadzpin Benjamin at Benhar Mundih na kapwa mula sa lalawigan ng Sulu.

Ayon kay Zamboanga provincial police director Col. Rexmel Reyes, hindi na naga­wang makalayo ng mga suspek na nakorner ng mga sasakyang dagat na gamit ng kanilang 2nd City Mobile Force Seaborne Company (2CMFC) at BOC sa Barangay Sinunuc bandang alas 10:00 ng gabi nito lamang nakaraang Huwebes. Wala aniyang naipakitang kaukulang dokumentong patunay ng legal na pagpasok ng mga epektos sina Benjamin at Mundih.

Bukod sa 214 master cases at 20 ream ng sigarilyong may tatak na Fort White, kumpiskado rin ang bangkang de motor na umano’y ginagamit sa pagpapamahagi ng mga ipinuslit na kalakal sa iba’t ibang lalawigan sa Mindanao.

Nasa kustodiya na ng BOC ang mga arestadong suspek, bangkang de motor at mga ipinuslit na sigarilyong gagamiting ebidensya kaugnay ng kasong smuggling na isasampa sa korte.
Nito lamang nakaraang buwan, umabot sa P18 milyong halaga ng mga smuggled na sigarilyo ang nasabat sa pinagsanib na operasyon ng BOC at PNP sa mga karagatang sakop ng Zamboanga.

6

Related posts

Leave a Comment