2 TRADERS NA SANGKOT SA ILLEGAL DRUGS KINASUHAN NG BOC

PORMAL nang nagsampa ng kaso ang Bureau of Customs (BOC) sa Department of Justice (DOJ) laban sa dalawang negosyante na sangkot sa illegal smuggling ng droga sa magkakahiwalay na okasyon.

Sa unang kaso, ang trader ay kinasuhan sa ilegal na importasyon ng isang shipment na naglalaman ng mga laruang pambata. Subalit sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ng mga awtoridad ang 5,032 units ng ecstasy na tinatayang umabot ang street value sa P8.554 milyon.

Ang nasabing insidente ay nangyari sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Disyembre 05, 2022.

Ang ikalawang kaso ay kinasangkutan ng ilegal na importasyon ng isang shipment na idineklara bilang rose candles.

Subalit sa isinagawang pagsusuri, ito ay natuklasang naglalaman ng brown glass jars na may nakalagay na white crystalline substance, na naging positibo sa presensya ng ketamine.

Ang tinatayang delivery duty paid (DDP) value ng ketamine ay P2.120 milyon.

Ang insidente ay nangyari sa UPS Warehouse Hub, Port of Clark, noong Mayo 14, 2023.

Ang dalawang traders ay sinampahan ng mga kasong paglabag sa sa Section 1430 ng Republic Act No. 10863, o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), na may kaugnayan sa Sections 4 at 26(a) ng Republic Act No. 9165, o kilala rin bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Sections 119, at 1400 ng CMTA.

Sa pagsasampa ng mga kaso ay ipinakikita ng BOC ang kanilang pangako sa paglaban sa illegal activities at prosekusyon sa mga smuggler.

(JO CALIM)

112

Related posts

Leave a Comment