23 TARANTULA SABAT SA NAIA

BULILYASO sa mga alistong kawani ng Bureau of Customs (BOC) ang panibagong tangkang pagpupuslit ng nakamamatay na gagamba sa Ninoy Aquino International Airport kama­kailan.

Sa kalatas ng BOC, 23 tarantula na idineklara bilang “snacks and other foodstuffs” ang nasabat sa Central Mail Exchange Center. Sa imbestigasyon, lumalabas na isang consignee mula sa Lungsod ng Makati ang umangkat ng mga nakalalasong gagamba mula pa sa bansang Vietnam.

Agad namang inilipat ng BOC-NAIA ang kustodiya ng 23 tarantula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa angkop na pangangalaga.

Pagtitiyak ni BOC-NAIA District Collector Carmelita Talusan, sasampahan ng patong-patong na kaso ng paglabag sa Section 1113 in relation to Sections 117 at 1401 ngg Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at Section 27 ng RA 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act) ang hindi pinangalanang claimant..

Sa datos ng BOC, hindi ito ang unang pagkakataon na nakasabat ang BOC-NAIA ng mga pambihirang hayop na pasok sa kate­gorya ng “exotic wildlife species” mula sa iba’t ibang bansa.

35

Related posts

Leave a Comment