HINATULAN ng Metropolitan Trial Court – National Judicial Capital Region Branch 24, ng tatlo hanggang apat na taong pagkabilanggo ang may-ari ng Real Mart noong Setyembre 8, 2023.
Si Divina Bisco Aguilar, proprietor ng Real Mart, ay napatunayang ‘guilty’ sa paglabag sa Customs laws sa pamamagitan ng maling pagdedeklara ng shipment ng carrots bilang frozen pastry buns.
Ang hatol ay resulta ng criminal complaint na isinampa ng BOC noong Setyembre 10, 2020, sa Department of Justice (DOJ).
Ang kaso ay nag-ugat mula sa insidente noong Hunyo 26, 2020, na isang shipment na naka-consign sa Real Mart, ang dumating sa BOC – Port of Manila mula Singapore.
Nauna rito, ang consignee, na may-ari ng Real Mart na si Aguilar, ay idineklara ang shipment na naglalaman ng 2,500 boxes ng frozen pastry buns.
Subalit, kahina-hinala ang derogatory report na natanggap ng Port of Manila, na nag-udyok para isagawa ang physical examination sa shipment.
Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre na ang shipment ay hindi naglalaman ng frozen pastry buns, ayon sa deklarasyon, sa halip ay naglalaman ito ng misdeclared carrots, na paglabag sa Customs regulations.
Pagkatapos nito, isang warrant of seizure and detention ang inisyu laban sa shipment, at naaangkop na mga singil, ang isinampa laban sa may-ari ng Real Mart.
Kasunod ang legal battle, na umabot ng taon ang preliminary investigation at court hearings.
Noong Setyembre 8, 2023, ang Metropolitan Trial Court – National Judicial Capital Region Branch 24, ay nagpahayag ng kanilang hatol, na napatunayang ‘guilty’ ang akusado ‘beyond a reasonable doubt’ sa paglabag sa Section 1401 na may kaugnayan sa Sections 102, at 1400 ng Republic Act No. 10863, kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Sa isa pang pangyayari, ang BOC ay nagsampa ng dalawang criminal complaints sa DOJ noong Setyembre 8 at 15, 2023.
Ang nasabing mga kaso ay may kaugnayan sa misdeclaration ng iba’t ibang kalakal mula sa Korea, na walang inaprubahang clearance mula sa Food and Drug Administration, at ang exportation ng isang universal CT tester na may palsipikadong General Authorization Certificate.
Ang mga insidente ay pawang may paglabag sa kaugnay na mga probisyon ng CMTA.
(JOEL O. AMONGO)
