3 TRADERS SINAMPAHAN NG CRIMINAL CASES NG BOC SA RICE SMUGGLING

NAGSAMPA ang Bureau of Customs (BOC) ng apat na criminal complaints laban sa tatlong rice traders noong Setyembre 29, 2023 sa Department of Justice (DOJ) matapos masangkot ang mga ito sa rice smuggling kamakailan.

Ang pagsasampa ng BOC ng mga kasong kriminal sa tatlong negosyante ay kasunod ng pagkakadiskubre sa smuggled rice kamakailan sa iba’t ibang warehouse sa Bulacan.

Matatandaang noong Agosto 2023, ang mga ahente ng BOC ay nakatuklas ng mga imported na sako-sakong bigas sa Bulacan. Ang nasabing mga bigas ay nagkakahalaga ng mahigit sa P260 milyon.

Makaraang maestablisa ang alegasyon, agad nag-isyu ang BOC ng warrants of seizure and detention laban sa subject warehouses dahil sa paglabag sa Customs laws, rules, and regulations.

Kaugnay nito, noong Setyembre 29, 2023, ang BOC, sa pangunguna ng Bureau’s Action Team Against Smugglers, ay iprinisenta ang findings ng isinagawang imbestigasyon at naghain ng kaukulang mga kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) laban sa mga may-ari ng mga warehouse sa kasong rice smuggling.

Ang mga kasong kriminal na isinampa ay paglabag sa Republic Act (RA) 10863, o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), at RA 11203 o Rice Tariffication Law.

Kabilang din sa isinampa ang large scale smuggling na paglabag sa RA 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act.

(JO CALIM)

77

Related posts

Leave a Comment