Abandonadong kargamento dinispatsa na P237M PASOK SA SUBASTA!

SA hangaring maibsan ang pagsisikip ng mga terminal container yard sa 17 distrito, tuluyan nang dinispatsa ng Bureau of Customs (BOC) ang mga abandonado at kumpiskadong kargamento.

Sa tala ng BOC, tumatagin­ting na P237 milyon ang pumasok sa kaban ng pamahalaan mula sa mga sinubastang kargamento sa unang walong buwan ng kasalukuyang taon.

Ayon sa pahayag ng kawanihan, umabot sa 318 “overstaying containers” ang isinalang sa public auction mula Enero hanggang Agosto, para sa kabuuang ganansyang pumalo sa P237,379,455.

Samantala, umabot naman sa 519 containers ang winasak bunsod ng peligro sa kalusugan, banta sa kalikasan at umiiral na reglamento kaugnay ng pag-angkat ng mga produkto. Nasa 56 containers naman ang napagpasyahang gamiting donasyon sa iba’t ibang ahensya ng gob­yerno.

Sa direktiba ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, inatasan ang 17 BOC district collectors na gawing puspusan at paspasan ang pagdidispatsa ng mga nakatengga, abandonado at kumpiskadong kargamento para maiwasan ang tinatawag na “congestion” sa mga pantalan at paliparan.

Giit ni Ruiz, walang dahilan para magsikip ang mga terminal yard kung pagbabatayan ang Republic Act 110863 (Customs Modernization and Tariff Act) at ang kasunduang nilagdaan sa pagitan ng kawanihan, Asian Terminals Inc. (ATI) at Association of International Shipping Lines (AISL).

Sa ilalim ng kasunduang higit na kilala bilang Empty Loadout Shipping Agreement (ELSA), obligadong ikarga ng mga dumadaong na barko ang mga basyo (walang lamang containers) kapalit ng mga diniskargang kargamento.

Upang tiyakin ang mahigpit na implementasyon ng ESLA, bumuo na rin ang ahensya ng isang task force na tututok sa mga terminal yard ng mga pantalan at paliparan kung saan nilalapag ang mga kargamento.

69

Related posts

Leave a Comment