APRIL TARGET SAPUL, P68.27 BILYON PASOK!

BAHAGYANG nahigitan ng Bureau of Customs (BOC) ang itinakdang target collection para sa buwan ng Abril.

Batay sa datos ng BOC Financial Service Office, nakalikom ng kabuuang P68.274 bilyon ang ahensya mula sa buwis at taripang kalakip ng mga pumasok at lumabas na kargamento sa mga paliparan at pantalan sa ilalim ng pangangasiwa ng kawanihan.

Sa pahayag ng BOC, mas mataas ng 0.11% ang naitalang kita kumpara sa P68.199 bil­yong April target collection.

Kumpara sa nalikom noong buwan ng Abril 2022, lumalabas din na 3.97% na mas mataas ang koleksyon ng BOC noong nakalipas na buwan kumpara sa P65.669 bilyon na pumasok sa ahensya sa parehong buwan ng nagdaang taon.

Mula Enero hanggang Abril ng kasalukuyang taon, pumalo na sa P281.902 bilyon ang aktwal na halagang nalikom ng ahensya – malayo sa P265.220 target collection sa unang apat na buwan ng 2023.

Kumpara sa nalikom sa unang apat na buwan ng 2022, lumalabas din na mas mataas ng 10.89% ang koleksyon ng BOC sa parehong panahon ng nakalipas na taon.

Para kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio, malaki ang ambag ng mga kawaning lubos na nagsakri­pisyo para tulungan ang kawanihan maisakatuparan ang direktiba ng Pangulo.
Isa pa aniya sa nagtulak sa mas malaking koleksyon ang implementasyon ng mga reporma sa naturang ahensya.

“We will continue to uphold our commitment to transpa­rency, accountability, and service excellence as we strive to meet our revenue targets and contribute to the growth and development of our country,” pahayag ng BOC chief.
(JO CALIM)

91

Related posts

Leave a Comment