HINDI kailanman pinahihintulutan ng Bureau of Customs (BOC) ang pagbabayad ng buwis at taripang kalakip ng mga bagahe at kargamento gamit ang personal na virtual wallet, bayad center o bank transfer na nakapangalan sa isang indibidwal.
Paglilinaw ng BOC, isang malinaw na panloloko ang mga mensahe ng isang grupong nagkukunwari di- umanong kawani ng naturang ahensya.
Hindi rin anila polisiya ng BOC ang tumawag o magpadala ng mensahe para maningil.
“BOC officials, including the BOC Customer Assistance and Response Services, do not directly communicate with parcel recipients via phone call, text message, or email to inform them or ask them to pay via bank deposit or money transfer for parcels to be released,” ayon sa isang pahayag ng BOC bilang tugon sa mga reklamo ng mga nagantso.
Partikular na tinukoy ng kawanihan ang dokumentong may petsang Disyembre 4, 2022, kung saan ginamit ng sindikato ang pekeng logo at pangalan ng isang kawani ng ahensya para manghuthot ng P128,585 para iproseso ang paglabas ng 35 laptop na diumano’y natengga sa kawanihan.
(CREMA LIMPIN)
