BAGONG PANIKAD KONTRA PIRATA BUMIDA SA DAVAO

MAS pinaigting na kampanya laban sa smuggling sa gawing timog ng bansa ang inilunsad ng Bureau of Customs (BOC) kasunod ng pagtatalaga ng dalawang makabagong patrol boats na maglalayag sa karagatang sakop ng Davao kung saan pinaniniwalaang ibinabagsak ng mga sindikato ang mga kontrabando mula sa mga karatig bansa sa Asya.

Gamit ang dalawang bagong unit ng littoral patrol boats, isang babala ang ipinalabas ni BOC-Davao District Collector Atty. Erastus Sandino Austria. Aniya, bilang na ang mga araw ng mga piratang dagat at mga pinaniniwalaang kasabwat sa pagpupuslit ng droga, armas, sigarilyo at iba pa sa kanilang nasasakupan – kabilang ang Davao, Dadiangas, Parang, Mati at ilang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Para kay Austria, magandang pagkakataon ang pagdating ng mga littoral patrol boats na kanila aniyang agad na sasabak sa karagatan kung saan inaasahan ang paglayag ng mga barkong kargado ng iba’t ibang epektos na pinaniniwalaang may dalang pinsala sa kalusugan ng mga tao at peligro sa kalikasan.

Aniya, hindi na maaaring maliitin ng mga sindikato ang kakayahan ng kanilang mas pina­lakas na kawanihang kumpleto na ngayon sa mga makabagong kagamitang may kapasidad na tumukoy sa kinaroroonan ng mga sasakyang dagat na wala sa talaan ng mga awtorisadong maglayag sa karagatang saklaw ng mandato ng kanyang tanggapan.

Pag-amin pa ni Austria, ginugol nila ang huling dalawang taon sa pagpapahusay ng kanilang “surveillance and detection protocols” gamit ang makabagong teknolohiyang kalakip ng BOC modernization program.

Pagtitiyak pa ng opisyal, susuklian nila ng sigasig ang tiwalang iniatang sa kanila ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

Bukod sa mga makabagong kagamitan, sumailalim na rin aniya ang kanilang mga kawaning kabilang sa Water Patrol Division at Enforcement Security System na inatasang tutukan ang mga aktibidades sa karagatan, katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno.

Sa datos ng kawanihan, may kakayahang maglayag ang mga armadong bagong patrol boats sa bilis na 30 hanggang 40 nautical miles per hour at may kapasidad maglulan ng 10 katao.

Saksi naman sa symbolic turn-over ng mga pantugis na sasakyang dagat sa BOC-Davao sina Philippine Coast Guard (PCG) – District of Southeastern Mindanao (CGDSEM) Deputy Commander Capt. Gary Dale Gimotea, Philippine Navy Commander Allan Canaleja, Philippine Drug Enforcement Agency XI (PDEA) Team Leader Agent Marlaw Laurente at Philippine Ports Authority (PPA) SPPI Michael Gregor Esquivel.
(JO CALIM)

105

Related posts

Leave a Comment