BAKIT NGA BA ‘DI MATIGIL ANG SMUGGLING?

IMBESTIGAHAN NATIN ni JOEL O. AMONGO
MAY mga nagtatanong sa Imbestigahan Natin, sa dinami-rami nang umupong hepe ng Bureau of Customs (BOC), bakit hindi raw nauubos o natitigil ang smuggling sa bansa.
Base sa ating pag-iimbestiga, ang smuggling activities ay seasonal din, depende kung anong panahon na malaki ang pangangailan ng mga tao nito.
Tulad na lamang ng pagpasok ng Ber months (Sept., Oct., Nov., at Dec.) malaki ang pangangailangan sa agricultural pro­ducts kaya malakas ang smuggling sa bigas, asukal, karne, prutas, gulay at iba pang mga sangkap sa pagluluto.
Ang smuggling sa agri-products ang dahilan kaya patuloy na nalulugi ang mga magsasakang Pinoy dahil hindi na nabibili ang kanilang mga produkto.
Hindi kasi kayang makasabay sa mga imported na agri-products ang mga produkto ng lokal na mga magsasaka natin lalo kung ito ay pumasok sa bansa sa pamamagitan ng smuggling.
Siyempre, wala silang binabayarang duties and taxes sa BOC kaya kahit bagsak presyo ang imported agri-products ay tubong lugaw pa rin ang mga nasa likod nito.
Ayon sa ating source, isa sa mga sangkap sa pag­luluto na madalas na ipinupuslit papasok sa Pilipinas pagdating ng holiday seasons, ay ang pulang sibuyas. Mas malaki kasi ang kita nito kung ikukumpara sa puting sibuyas.
Nangunguna sa paboritong ipinupuslit papasok sa Pilipinas ay ang illegal drugs dahil pinagmumulan ito ng malaking kita.
Kaya nga kahit mga opisyal ng gobyerno, maging ang mga awtoridad ay naeengganyo na sumali sa sindikato nito dahil sa malaking kikitain nila.
Pumangalawa sa malaking kitaan ay ang smuggling sa si­garilyo na kadalasang ibinebenta sa mga probinsiya.
Mas kinakagat ito ng mga Pinoy dahil mas mura ang bawat stick nito kung ikukumpara sa mga lokal na sigarilyo na nabibili sa mga sari-sari store.
Nariyan din ang smuggling ng mga produktong petrolyo na ayon sa natanggap nating impormasyon, may mga ulat na pumapasok ito sa Port of Subic. Kaakibat siyempre nito ang ‘paihi’ ng mga produktong petrolyo.
Naniniwala tayo na kumikita ang smuggling activities, dahil kung hindi sila kumikita, malamang ay tumigil na ang mga nasa likod nito. Siyempre, kumikita rin ang mga nasa gobyernong kasabawat ng mga ito.
Kung talagang gustong matigil ng pamahalaan ang smuggling activities sa bansa, walang pipiliin kung sino ang kanilang huhulihin, maging maliit man o malaking tao na nasa gobyerno ay dadamputin at parurusahan.
Sabi nga ng mga mambabatas sa Makabayan bloc sa Kongreso, maging makatotohanan sana ang pamahalaan sa kanilang kampanya laban sa smuggling.
Walang dapat pinipili ang kampanya ng gobyerno laban sa smuggling.
oOo
Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
244

Related posts

Leave a Comment