BATMOBILE, TIMBOG POSIBLENG ISUBASTA

HINDI pa man ganap na napepera ng pamahalaan ang lahat ng mga mamahaling sasakyang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) nito lamang nakalipas na taon, isa na namang sports car na kahalintulad ng batmobile na gamit ni Batman sa pelikula ang nabulilyaso ng Intelligence and Investigation Service (IIS) ng ahensya sa lungsod ng Maynila.

Sa tulong ng isang impormante, nabisto ang tangkang pagpapalusot ng isang segunda-manong Lamborghini Aventador sa Manila International Container Port (MICP) na batay sa mga kalakip na dokumento ay isang “brand new unit” ng Lamborghini Huracan.

Ayon kay MICP district collector Romeo Allan Rosales, mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng mga umiiral na batas ang pag-aangkat ng mga segunda-manong sasakyan.

Bitbit ang isang warrant of seizure and detention, kinumpiska ng mga operatiba ng naturang ahensya, kasama ang mga kinatawan ng iba pang katuwang na tanggapan ng pamahalaan ang naturang sports car na nakapangalan sa kumpanyang JRQ Car Trading.

Base sa mga nakalap na dokumento, ibiniyahe noong Pebrero 23 ang nasabat na Lamborghini Aventador sa bansang Hongkong. Sa pagtataya ng kawanihan, aabot sa P45 milyon ang halaga ng naturang sports car.

Nahaharap naman sa kasong paglabag ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) ang JRQ Car Trading.

Bago pa man nabulilyaso ang naturang luxury vehicle, kumita ang BOC ng P6.3 mil­yon makaraang maibenta sa isang public auction ang tatlo sa anim na mamahaling sasak­yang nakumpiska ng kawanihan nito lamang nakalipas na taon.

Kabilang sa mga inihanay sa public auction na idinaos sa tanggapan ng Bureau of Treasury sa Intramuros, sa lungsod ng Maynila ang segunda-manong Porsche Boxster 2001, Mercedes Benz SLK350 2001, Ferrari Scuderia 430 2008, Mercedes Benz SLK55 2001, Mercedes Benz E220 2011, at isang brand-new Mercedes Benz G500.

Sa datos ng kawanihan, ang mga sinubastang sasak­yan na nasabat ng BOC sa Manila International Container Port at Port of Manila ay pawang nakapangalan sa JLDFM Consumer Good Trading at Frebel Enterprise.

Sa anim na isinubastang luxury cars, tanging ang mga Mercedes Benz – SLK350 2001, SLK55 2001 at G-500 ang nabenta sa kabuuang halagang P6.3 milyon. Iti­nanghal na “highest bidder” ang RCME Metal Products para sa dalawang segunda-manong Mercedes Benz habang Mopen Trading naman ang nanaig para sa bagong unit ng Mercedes Benz G-500.

Sa bisa ng probisyon sa ilalim ng RA 10863, kinumpiska ng ahensya ang mga naturang mamahaling sasakyang tangkang ipinuslit sa bansa nito lamang nakalipas na taon.

Kabilang naman sa mga nagmasid sa public auction ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensyang miyembro ng Inter-Agency Auction Committee na sadyang nilikha upang tiyakin ang isang maayos at walang bahid pandarayang proseso.

Pinili ng pamahalaang huwag nang durugin ang mga nasabat na sasakyan bunsod ng kakapusan sa pondo bunsod ng pagbagsak ng ekonomiya dahil sa pandemya.

47

Related posts

Leave a Comment