BILIB KAY RUIZ

Imbestigahan Natin Ni JOEL O. AMONGO

MINSAN pa, pinatunayan ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz ang pagiging maginoo sa ipinamalas na isang salita sa larangan ng pangangasiwa ng Bureau of Customs (BOC).
Sa loob ng apat at kalahating buwan, nagpakitang gilas si Ruiz – hindi lamang sa pagtugis ng mga tiwali at sindikato sa likod ng malawakang puslit-kontrabando kundi maging sa aspeto ng koleksyon, sukdulang napabilib ang economic team ng administrasyon.

Sa isang pulong balitaan sa Lungsod ng Maynila kung saan isa sa mga panauhin si Finance Secretary Benjamin Diokno, ibinida ang malaking pagbabago sa ahensyang dati lamang sikat sa larangan ng katiwalian.

Bakit nga naman hindi – tanging sa liderato lang ni Ruiz nagawang higitan ng BOC – ang year-on revenue collection mula sa buwis at taripang kalakip ng mga pumasok at lumabas na kargamento, dalawang buwan bago pa man matapos ang taon.

Oops, sa kanyang panunungkulan din naitala ang record-high actual revenue collection ng kawanihang itinatag sa bisa ng Public Act 430 may 120 taon na ang nakaraan.

Mismong sa bibig ng DOF chief nagmula ang mga katagang wari ko’y paghanga sa ipinamalas na husay ni Ruiz na itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., noong Agosto.

Aniya, ang agresibong pagtugis ng katiwalian, ilegal na kalakaran at ang mataas na antas ng koleksyon ay mga patunay na nakatutok ang BOC chief sa kanyang sinumpaang tungkulin.

Taliwas naman ang nangyayari sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na bigong abutin ang target revenue collection. Katunayan, habang sinusulat ko ang pitak na ito, mahigit 70% pa lang ng kanilang 2022 revenue target ang naisampa ng BIR sa kaban ng gob­yerno.

Ani Diokno – buti na lang sumipa ang BOC, nang tanungin ng mga peryodistang dumalo kung sapat ang surplus collection ng BOC para tapalan ang revenue shortfall ng BIR.

Sino ba naman kasi ang mag-aakala na isang hamak na ope­ratiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) lang pala ang kailangan ng kawanihan. Wala marahil naniniwala noong una na magagawa ni Ruiz na hagipin ang 2022 collection dalawang buwan bago matapos ang taon.

Sa mga nakalipas na panahon, hindi nakita ng publiko ang agresibong kampanya kontra smuggling ng kawanihan. Hindi rin matatawaran ang tugon ni Ruiz sa hamon ng Pangulo kaugnay ng malawakang smuggling ng droga, baril, agri-products at maging mga mamahaling sasakyan.

Kung pagbabatayan ang mga datos ng DOF, maski siguro ikaw na nagbabasa ng column ko ngayon magugulat sa laki ng pumasok na kita ng naturang ahensya ng pamahalaan mula nang maupo sa pwesto si Ruiz.

Mantakin mo nga naman, lahat ng 17 BOC district collection offices, nakaalpas sa kani-kanilang monthly collection target mula Agosto hanggang Nobyembre. Bakit nga naman hindi – malinaw ang mensahe ni Ruiz sa mga district collector, hindi siya magdadalawang isip na palitan ang mga ito kung wala rin namang magandang maiaambag sa bayan ko. At heto pa, tila naliliitan si Ruiz sa itinakdang target collection ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), na mandato’y magtakda ng taunang revenue target ng BIR, BOC, Bureau of Treasury. Kaya naman kanyang puntirya sa susunod na taon – isang trilyong piso lang naman.

33

Related posts

Leave a Comment