BOC NAGBABALA KONTRA MODUS

0

KUNG wala rin namang inaasahang paparating na kargamento, walang dahilan para maniwala sa natatanggap na text messages na nagsasabing mayroong nakabinbing bagaheng dumating para sa iyo.

Ito mismo ang buod ng mensaheng ipinalabas ng Bureau of Customs (BOC) sa gitna ng mga naglipanang anunsyong direktang ipinadadala sa publiko.

Binalaan din ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang mga sindikato sa likod ng kabi-kabilang pakulong hangad lamang aniya’y manloko.

Kasabay nito, nanawagan din si Guerrero na maging alerto at mapanuri sa mga natatanggap na mensaheng aniya’y kaugnay ng modus operanding laganap sa tuwing sasapit ang panahon ng Kapaskuhan.

Sa Facebook page ng kawanihan, naging kapansin-pansin ang pagdagsa ng mga dumudulog at naghahangad malinawan kaugnay ng mga umano’y mga “naipit nilang kargamento,” bagay na agad namang tinugon ng BOC.

Ayon sa BOC, malaking bentahe kung agad na makikipag-ugnayan ang publiko sa sandaling makatanggap ng mga kahina-hinalang mensaheng nagsasabing mayroon silang dumating na kargamento. Payo pa ng kawanihan, mas mainam kung itala, suriin at beripikahin ang mga resibo, tracking number ng kargamento, courier at iba pang dokumentong ipinapakita ng mga nagpapanggap na empleyado ng kanilang ahensya.

Hinimok din ang agad na pagdulog sa kanilang tanggapan o sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) para sa mabilis na aksyon.

Kaugnay nito, isang Pinay ang muntik nang mahulog sa modus ng isang sindikato sa likod ng “fake package scam.”  Kinilala ang nasabing indibid­wal bilang si Luzviminda Capon na nilapitan umano kaugnay ng isang bagaheng ipinadala para sa kanya.

Giit ng taong nakipag-­ugnayan kay Capon, may bagahe umano itong naka­binbin sa BOC at mailalabas lamang kung magbabayad ng karampatang buwis sa kanila.

Subalit sa halip na maniwala, agad itong humingi ng tulong sa BOC Customer Care Center ng Port of Tacloban kung saan niya napag-­alamang walang katotohanan ang nasabing impormasyong natanggap sa hindi pa nakikilalang indibidwal.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment