NAGSANIB puwersa ang dalawang tanggapan ng Bureau of Customs (BoC) sa pagbibigay ng relief goods sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol sa Barangay Maraga-a, Kiblawan, Davao Del Sur bago ang Kapaskuhan.
Nangalap ng ‘Noche Buena’ packages ang mga opisyales at tauhan ng Port of Manila at Port of Davao para may magamit sa araw ng Pasko ang biktima ng lindol na pansamantalang tumitigil sa ilang evacuation centers.
Nais ng POM at POD na sa pamamagitan ng kanilang tulong ay pansamantalang maibsan ang dinadalang bigat sa dibdib ng mga residenteng nawalan ng tirahan dahil sa lindol.
Samantala, ang Port of Clark ay namigay ng pagkain at mga regalo sa mga batang Aeta sa Sitio Target Integrated School sa Barangay Sapangbato, Angeles City bilang bahagi ng kanilang anniversary celebration at annual Christmas Charity Activity.
Pinangunahan ni Port of Clark District Collector Atty. Ruby Alameda ang kanyang mga tauhan sa pamimigay ng regalo sa mga batang Aeta.
Maging ang Port of Cebu ay nagkaroon ng ‘Annual Thanksgiving Party’ na dinaluhan naman ng mga empleyado nito na pinangunahan ni Acting District Collector Atty. Charlito Martin Mendoza.
Ipinaabot ni Mendoza sa mga empleyado at lahat ng stakeholders ang kanyang taos pusong pasasalamat sa kanilang malaking kontribusyon na naging dahilan kaya naabot nila ang kanilang target collection. (Boy Anacta)
206